
MANILA (Mindanao Examiner / July 5, 2014) – Muling ipinaalala ng pamahalaang Aquino na isinabatas na ang Republic Act No. 10639 o ang pagpapadala ng mga telecommunications service provider ng mga libreng mobile alert sa panahon ng sakuna at kalamidad, gawa man ng tao o kalikasan.
Layunin ng batas – na nilagdaang noon nakaraang buwan lamang – na maiwasan ang mga aksidente, pagkawala ng buhay, at pagkasira ng ari-arian dulot ng mga bagyo, lindol, tsunami, at iba pang kalamidad.
Kung kaya, inaatasan ang mga mobile phone service providers na magpadala ng mga babala at pinakabagong impormasyon direkta sa mga nakatira at malapit sa mga apektadong lugar tuwing may paparating na sakuna.
Nakatakda ang mga telecom firms na regular na magpadala ng mga mensahe ayon sa pangangailangan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, Philippine Institute of Volcanology and Seismology at iba pang mga kaugnay na ahensya. Ang mga babala ay maaaring SMS o text message, MMS, o email.
Laman ng mga mobile alert ang sumusunod na impormasyon: Numero kung saan maaaring kontakin ang inyong lokal na pamahalaan at iba pang ahensyang kailangang tumugon sa inyong sitwasyon, lugar na maaaring paglikasan, lugar kung saan namimigay ng mga relief goods at iba pang kakailanganing impormasyon.
Ayon sa batas ay walang gagastusin, sa kahit anong anyo, ang mga tatanggap ng mga mobile alert na ito. Ang paalala ay inilabas dahil sa kapanahunan na ng tag-ulan sa bansa.