
MANILA (Mindanao Examiner / July 1, 2014) – Tuluyan ng ibinasura ngayon Martes ng Korte Suprema ang kontrobersyal na “Disbursement Acceleration Program” ng Malakanyang dahil sa unconstitutional ito.
Ang DAP ay brainchild ni Budget Secretary Butch Abad at ni Pangulong Benigno Aquino at binuo ito upang may dahilan ang Malakanyang na magamit ang mga salapi o pondo na nakalaan para sa ibang bagay sa anumang naisihan ng mga ito.
Sinabi ng Korte Suprema na ilegal ang DAP at natigil lamang ito ng mabuko ng oposisyon ang paraan kung paano at saan kinukuha ni Abad ang napakalaking pondo para sa mga naising proyekto ni Aquino.
Matatandaang inakusahan rin noon ng oposisyon si Aquino at Abad na ginamit ang DAP upang isuhol sa mga politiko para sa conviction ni Renato Corona, ang dating pinuno ng Korte Suprema.
Binansagan naman ng mga militante ang DAP na siyang “pork barrel” fund ni Aquino, bukod pa ang limpak-limpak na pondo mula sa Presidential Social Fund.
Nagsimula ang DAP noon Oktubre 2011 matapos na aprubahan ito ni Aquino sa rekomendasyon umano ng Development Budget Coordination Committee at ng Cabinet Clusters bilang “stimulus package” ng administrasyon para sa mga sari-saring proyekto.
Bilyon-bilyong pisong pondo ang inilaan ng pamahalaan para sa DAP. Mula 2011-2012, umabot sa P142.23 bilyon ang inilabas para sa mga programa at proyekto – P83.53 bilyon noon 2011 at 58.70 bilyon naman sa 2012.
Sa 2011, karamihan sa mga pinaglaanang pindo ng DAP ay napunta sa healthcare, public works, housing and resettlement, gayun rin sa agriculture at iba pa. At sa 2012, ginamit naman ang pondo ng DAP sa turismo at road infrastructure, school infrastructure, rehabilitation at extension ng kontrobersyal na light rail transit systems, at ang sitio electrification.
Sa taong 2013, umabot naman ang pondo ng DAP sa P15.13 bilyon at ginamit naman ito para sa karagdagang tauhan ng pulisya at bilang dagdag-pondo rin sa modernization ng pambansang pulisya at sa redevelopment ng Roxas Boulevard sa Maynila at maging sa rehabilitation projects sa mga lugar na napinsala ng bagyong Pablo sa lalawigan ng Compostela Valley at Davao Oriental.
Ginamit rin ang DAP para pondohan ang mga proyekto ng mga piling mambabatas at umabot ito sa P142.23 bilyon mula 2011-2012.
At karamihan sa mga salaping inilaan para sa DAP ay galing diumano mula sa mga savings ng ibat-ibang ahensya ng pamahalaan at ang ang mga “realignment at unprogrammed” funds na aprubado rin ni Aquino, kabilang dito ang mga pondong mula sa remittance ng dividends ng mga government-owned and controlled corporations and government financial institutions at mga pinagbentahan ng mga government assets.
Hindi naman agad mabatid ng Mindanao Examiuner kung gaano kalaking salapi ang nakuha ng DAP mula sa Malampaya Fund kung mayroon man, ngunit ang pondo mula sa Malampaya ay maaari lamang gamitin sa mga proyektong may kinalaman sa enerhiya.
Ipinag-matigasan noon ni Abad at Aquino na legal ang DAP base na rin sa Article VI Section 25 (5) ng 1987 Constitution. “…the President, the President of the Senate, the Speaker of the House of Representatives, the Chief Justice of the Supreme Court, and the heads of Constitutional Commissions may, by law, be authorized to augment any item in the general appropriations law for their respective offices from savings in other items of their respective appropriations.”
At ang Book VI Chapter 5 Section 39 of the 1987 Administrative Code na nagsasabing: “Except as otherwise provided in the General Appropriations Act, any savings in the regular appropriations authorized in the General Appropriations Act for programs and projects of any department, office or agency, may, with the approval of the President, be used to cover a deficit in any other item of the regular appropriations….”
Dahil sa desisyon ng Korte Suprema ay pinaghahandaan naman ng ilang mga grupo kung paanong makakasuhan ng plunder si Aquino at Abad at mga opisyal na may kinalaman sa DAP.
Sa kabila nito, sinabi naman ni Aquino na nais niyang maiwan sa bawat mamamayan ang isang legacy ng maayos na pamamalakad ng pamahalaan at magsilbing role model. “If there is a singular legacy that I am leaving and sana, masanay ang kababayan natin na ito ang kaya ng gobyernong pinapatakbo nang matino,” ani Aquino.
Sa 2016 magtatapos ang termino ni Aquino, ngunit ngayon pa lamang ay hinihiling na ng mga militanteng grupo na mag-resign na si Aquino.
“The Supreme Court ruling declaring President Aquino’s Disbursement Acceleration Program as unconstitutional further exposes Aquino as the nation’s pork barrel king. The President and his men violated the constitution and facilitated corruption in government. Aquino and his pork gang should resign now in shame. Calls for him to be removed from office via impeachment or via a people’s uprising is growing and is increasingly justified. A people’s council can replace Aquino, hold accountable the officials who plundered the nation, institute significant reforms and pave the way for elections,” pahayag pa ng Anakbayan. (Mindanao Examiner)