
CEBU – Hawak na ng mga awtoridad sa Mindanao ang tatlong katao na itinuturong may kinalaman sa pagkakapaslang sa Cebuanong hotelier na si Richard King sa Davao City.
Ayon sa pulisya, kabilang sa kanilang nadakip ay ang lalaking bumaril kay King noon Hunyo 12 sa loob ng Vital C Building na kung saan ay may seminar sa kanyang health products ang milyonaryong negosyante.
Nakilala naman ang itinuturong trigger man na si Paul Labang at ilang mga saksi rin ang positibong nakakilala sa kanya. Naunang inilabas ng pulisya ang composite image ng triggerman base sa mga deskripsyon ng mga saksi sa pagpatay kay King.
Ang dalawa ay nakilala na si Rommel dela Cerna at utol nitong si Rodel. Lumutang rin ang pangalan ni Supt. Leonardo Felonia, ng Regional Intelligence Unit sa Davao, ngunit hindi malinaw kung ano ang kinalaman nito sa kaso at wala naman pahayag ang mga awtoridad ukol dito.
Hindi pa malinaw kung sino ang utak o mastermind sa pagkakapaslang kay King, subali’t may mga balitang isa sa mga suspek ay opisyal ng pulisya, ngunit hindi naman agad ito makumpirma. Patuloy naman ang imbestigasyon kay Labang upang matukoy kung sino ang nagpapatay kay King.
Binaril si King sa kanyang ulo ng nagiisang gunman at saka ito tumakas sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng isa pang lalaki na sinasabing kabilang rin sa mga nadakip.
Noon nakaraang lingo ay binuo ng pulisya sa Davao City ang “Task Force Richard King” na siyang may hawak ngayon sa imbestigasyon. Hindi pa malinaw ang motibo sa pagpatay, ngunit nakatutok ang imbestigasyon sa negosyo at personal na buhay ni King.
Inilibing si King nitong Hunyo 18 sa Cebu City. Naulila ni King ang kanyang asawa at dalawang anak na may edad na 21 at 16. (Cebu Examiner)