
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 16, 2014) – Himalang nakaligtas ang dalawang mag-utol sa tiyak na kamatayan matapos silang ratratin ng “riding-in-tandem” sa Zamboanga City.
Parehong sugatan ang dalawa na nakilalang sina Michael Cuevas, manager ng Philippine Veterans Affairs Office sa Zamboanga City, at Angelo Cuevas, ang supply officer ng Zamboanga Sibugay Provincial Health Office. Pinagbabaril ang kambal dakong ala-1 ng umaga nitong Linggo sa Barangay Tetuan.
Sakay ng motorsiklo ang mag-utol at pauwi na sa kanilang bahay ng sila’y tirahin ng isa sa dalawang armado. Sa akalangnapatay nila ang mga biktima ay agad rin tumakas ang dalawang salarin at nakuha pa ng kambal na magmaneho patungong ospital sa kabila ng mga tama ng bala sa katawan mula .45-kalibre pistol.
Hindi pa mabatid ang motibo sa atake, ngunit ayon sa pulisya ay nagiimbestiga na ito upang mabatid ang dahilan sa bigong pagpatay sa magkapatid. Walang umako sa pamamaril, ngunit talamak ang patayan sa Zamboanga dahil sa dami ng mga hired killers dito na siyang nasa likod ng maraming pamamaslang. (Mindanao Examiner)