
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / June 16, 2014) – Isang 11-anyos na bata ang sugatan matapos itong mabaril ng security guard ng isang rice mill ng Instik sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur.
Sinabi ng pulisya na agad rin nadakip ang security guard ng Chun Rice Mill na si Kurt Cadungog matapos ng pamamaril.
Nabatid na unang itinutok ni Cadungog ang kanyang shot gun sa mukha ni Celso (hindi tunay na pangalan) at pagkatapos ay saka nito inumang sa ibaba ang baril at ipinutok.
Nahagip naman ng mga splinter ang mukha ni Celso kung kaya’t kumaripas ito ng takbo upang humingi ng saklolo. Naisugod rin sa pagamutan ang bata.
Hindi pa mabatid kung bakit pinaputok ng security guard ang kanyang shot gun. Hindi pa makunan ng pahayag ang biktima ukol sa naganap. Nakapiit naman ngayon sa bilangguan si Cadungog. Walang karagdagang detalye na ibinigay ang pulisya ukol sa naganap. (Mindanao Examiner)