
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 16, 2014) – Isang lalaki ang nagpatiwakal matapos na ito’y makipagtalo sa kanyang misis dahil lamang sa pagsasaing ng bigas sa Zamboanga City.
Natagpuan na lamang ni Roselyn Careon, 24, ang asawang si Saldavor Estabiel, 23, sa loob ng kanilang kuwarto sa Atilano Drive sa Barangay Baliwan Grande. Hindi umano akalain ni Roselyn na dinibdib ng husto ni Salvador ang kanilang pagtatalo.
Nabatid na nag-away ang dalawa kamakalawa ng gabi at matapos nito ay naglaba umano si Roselyn ngunit lingid sa kanyang kaalaman ay dumiretso pala ng kanilang kuwarto ang asawa at doon ito nagbigti.
Laking gulat na lamang ni Roselyn ng pasukin nito ang kuwarto upang ayain ang asawang kumain ng hapunan at tumambad sa kanya ang kagimbal-gimbal na hitsura ng mister.
Humingi pa ito ng saklolo sa mga kapit-bahay upang mailigtas ang asawa ngunit huli na ang lahat dahil wala ng hininga ang mister nito. (Mindanao Examiner)