
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / June 15, 2014) – Dinadagsa ng mga Cebuano ang lamay ni hotel magnate Richard King matapos na dumating sa Cebu City ang bangkay nito dalawang araw ng mapatay ng isang salarin sa Davao City sa Mindanao.
Nakahimlay kahapon ang kabaong ni King sa St. Peter’s Funeral Homes na kung saan ay nagbigay ng huling respeto ang mga empleyado at kaibigan ng milyonaryong negosyante na siyang may-ari ng Criwn Regency Hotel and Resorts at Vital C, at iba pang mga ari-arian sa Visayas at Mindanao.
Tikom pa rin ang bibig ng pamilyang King sa sinapit ng negosyante. Binaril ito sa ulo ng nagiisang gunman sa loob mismo ng building ni King na kung saan ay naglunsad ito ng seminar ukol sa produktong Vital C noon Hunyo 12. Mabilis na tumakas ang salarin sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng isa pang lalaki.
Binuo na rin ng pulisya sa Davao City ang “Task Force Richard King” na siyang may hawak ngayon sa imbestigasyon sa pagkakapatay sa negosyante. Hindi na nagbibigay ng anumang impormasyon ang pulisya upang hindi madiskaril ang kanilang ginagawa.
Hindi pa rin nakikilala ang salarin, pero ayon sa pulisya ay may cartographic sketch na ito at ipinakita na rin sa pamilya ni King. Ngunit blangko pa rin ang pulisya sa kung sino ang nasa likod nito o motibo sa krimen, ngunit nakatutok ang imbestigasyon sa negosyo at personal na buhay ni Kung.
Nakikipagtulungan na rin ang Cebu police sa Davao counterpart nito upang lalong mapadali ang imbestigasyon. Nakatakda naman ilibing si King sa Hunyo 18 sa Cebu City. Naulila ni King ang kanyang asawa at dalawang anak na may edad na 21 at 16. (Mindanao Examiner)