
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / June 14, 2014) – Mahigpit ngayon ang imbestigasyon ng pulisya ukol sa pagkakapatay sa milyonaryong Cebuano at negosyante na si Richard King na pinatay sa loob mismo ng kanyang building sa Davao City.
Nag-alok na ang pamilya ni King ng P200,000 reward sa sinuman ang makapagbibigay ng impormasyon ukol sa killer. Dinagdagan naman ito ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ng P300,000 upang makatulong na maresolba ang kaso sa lalong madaling panahon.
Sinabi ni Duterte na patuloy ang imbestigasyon sa kaso at sinabin ang pulisya na huwag munang maglalabas ng anumang balita ukol dito upang hindi ito madiskaril. Nakausap na rin ni Duterte ang pamilya ni King, subali’t hindi rin nito sinabi sa media ang mga detalye ng kanilang meeting.
Negosyo at ang personal ni Kung ang siyang sinisipat ngayon ng imbestigasyon upang mabatid kung may kinalaman ang pamamaslang sa kaso.
Si King ang may-ari ng Crown Regency Group of Hotels at kasama nito ang kanyang mga empleyado at kumakain sa loob ng kanyang tanggapan sa kanyang Vital- C Building ng pasukin ito ng salarin dakong alas 7 ng gabi noon nakaraang Hunyo 12.
Agad rin tumakas ang armado sakay ng motorsiklo na minamaneho naman ng iba. Wala umanong security guard sa naturang building na pagaari ni King. Hindi pa mabatid ang motibo sa pagpatay, ngunit galing umano si Kung sa Cebu at nagpunta lamang sa Davao City upang dumalo sa isang pagtitipon ng Vital-C, isang sa mga vitamin product ng negosyante.
Hindi pa mabatid kung may surveillance camera ba sa naturang building o wala. Marami rin itong negosyo at ari-arian sa Boracay at kabilang dito ang Crown Regency Hotel and Resort at maging ito ay sinisilip na rin ng pulisya. Walang ibinigay na pahayag ang pamilyang King ukol sa pagpaslang sa negosyante. (Mindanao Examiner)