
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 13, 2014) – Wala pa rin impormasyon na inilalabas ang mga awtoridad kaugnay sa isang Pinoy seaman na kasama sa mahigit dalawang dosenang crew ng isang oil tanker na binihag ng mga pirata sa karagatan di-kalayuan sa bayan ng Bintulu sa Sarawak sa Malaysia.
Galing ang MT Budi Mesra Dua sa Singapore karga ang halos isang milyon litro ng langis ng ito’y lusubin ng mga pirata kamakalawa at ninanakaw ang kargo at nilimas pa ang mga kagamitan ng crew.
Wala naman nasakatan sa atake at mabilis na tumakas ang mga pirata 10 oras matapos na pagnakawan ang barko. Walang ibinigay na pahayag ang Philippine Navy, Coast Guard at ang Department of Foreign Affairs ukol sa identipikasyon ng kaisa-isang Pinoy crew sa naturang tanker.
Hindi pa mabatid kung sino ang nasa likod ng atake, ngunit pawang armado ng itak ang mga pirata at may dalang sariling barko na kung saan ay inilipat ang mga laingis. May hinalang mga lokal na pirata ang mga ito.
Nitong Abril lamang ay inatake rin ng mga pirata sa karagatan ng Malaysia ang isang oil tanker mula Thailand na may kargang diesel at ninakaw ang kargo nito. Tatlong Indonesian crewmen ng isang Singaporean tanker rin ang dinukot ng mga pirata sa isang pang atake sa kahabaan ng 805-kilometer Strait of Malacca sa pagitan ng Malay Peninsula at Sumatra sa Indonesia. (Ely Dumaboc)