
BASILAN PROVINCE (Mindanao Examiner / June 9, 2014) – Apektado na ngayon ng mga pesteng “cocolisap” ang malaking bahagi ng coconut plantation sa lalawigan ng Basilan matapos na kumalaat doon ang mga insekto o coconut scale insect (Aspidiotus Rigidus) na kalat na rin sa iba pang bajagi ng bansa, partikular Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.
Copra ang pangunahing industriya ng Basilan at pangalawa ang goma kung kaya’t nababahala ang mga magsasaka sa kahihinatnan ng kanilang pananim. Natutuyo ang mga dahon ng niyog at maging mga bunga nito ay apektado rin ng cocolisap.
Sinabi ni Efren Carba, provincial coconut development manager, nan alarmado na ang sitwasyon ng pagkalat ng cocolisap sa Basilan, partikular sa Isabela City na kung saan ay 16 sa 33 barangay na may mga coconut plantations ang nadale ng peste.
“Very alarming na ito dahil kalat na yun peste. Dapat lumabas na agad ang pondo upang ma-kontrol o mapuksa natin ang coconut scale,” ani Cabra sa panayam ng Mindanao Examiner Regional Newspaper.
Inamin naman ni Carba na hindi pa nila mabatid kung paanong kumalat ang cocolisap sa Basilan, subali’t unang naiulat sa kanila ito noon 2012 pa at na-kontrol naman nila ang pagdami nito. Lingid naman sa kaalaman nila ay nakalipat ng ibang lugar ang mga insekto at doon naman ito dumami.
“Sa ngayon ay may ginagawa na kaming chemical at biological control upang papigil ang pagdami ng coconut scale. At patuloy rin yun ating information drive sa Basilan upang maipaalam sa mga magsasaka at lokal na pamahalaan ang mga hakbangin upang mapigil ang peste,” wika ni Carba.
Walang naiuulat na coconut scale infestation sa Sulu at Tawi-Tawi, gayun rin ang lalawigan ng Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur at Zamboanga del Norte sa western Mindanao.
Ayon kay Carba, ang life cycle ng isang cocolisap ay 32 araw at bawat isa ay may kakayahan na mangitlog ng 50 sa loob lamang ng isang linggo. “Ibang klaseng specie ng coconut scale insect ang mga ito ngayon at invasive sila at posibleng galing sa ibang bansa.
Yun sa Basilan ay inaalam pa natin kung paano nakarating doon ang mga coconut scale insect na kapareho ng nasa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon ngayon.
Tinatayang mahigit sa 76,000 puno ng niyog ang apektado ng peste sa Basilan at isinailalim na sa state of emergency ni Pangulong Benigno Aquino ang naturang lalawigan at Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon.
Ipinag-utos rin ni Aquino sa sa Philippine Coconut Authority na kontrolin ang pagkalat ng insekto. Sa executive order ng Pangulo ay iniutos nito sa ahensya na gumawa agad ng hakbang upang mapigil ang pagkalat ng cocolisap.
Maging ang mga local government ay dapat na rin gumawa ng hakbang upang makatulong sa kampanya kontra cocolisap. Mahalaga ang coconut industry sa bansa at umaabot sa $2 bilyon ang naiaambag nito sa kaban ng bayan. (Mindanao Examiner)