
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / June 7, 2014) – Pormal ng ipinatupad mi Zamboanga City Mayor Maria Isabelle Salazar ang suspension order ng Ombudsman kay Councilwoman Josephine Pareja matapos itong akusahan ng “grave misconduct” ng isang principal ng paaralan.
Sinabi naman ni Pareja, na dating barangay chairwoman ng Talisayan, ay niri-respeto nito ang desisyon ng Ombudsman at tinanggap ang kanyang anim na buwang suspensyon. “Hindi ko pinagsisisihan yun ginawa ko dahil alam ko na ito ay tama. Ginawa ko iyon upang maiwasan ang gulo sa pagitan nila,” ani Pareja.
Ito’y nagsimula matapos na pigilan ni Pareja noon 2010 ang principal ng Talisayan National High School na si Ronilo Matinez na makapasok sa paaralan na kung saan ay may pulong ang Parents-Teachers Association.
May mga reklamo kasi ang PTA kay Martinez at upang maiwasan ang gulo ay hindi na lamang pinapasok ni Pareja ang guro sa paaralan habang nagpupulong ang mga magulang. Ngunit hindi naman ito tinanggap ni Martinez at nagsampa ng kasong abuse of authority laban kay Pareja.
Sinabi naman ni Pareja na sasagutin nila ang asunto. Naglabas rin ng memorandum si Salazar upang pormal na maipatupad ang kautusan ng Ombudsman at naibigay na ito sa City Council. (Mindanao Examiner)