COTABATO CITY – Hindi natinag ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa kautusan ni Armed Forces Chief Gregorio Catapang sa all-out war laban sa rebeldeng grupo.
Ipinag-utos itoni Catapang sa Western Mindanao Command at 6th Infantry Division, ngunit hindi naman mabatid kung bakit ngayon lamang ini-utos ng heneral ang all-out war sa BIFF gayun matagal na itong nasa likod ng maraming atake sa magulong rehiyon.
Kamakailan lamang ay nakipagsagupaan ang militar sa BIFF sa bayan ng Pikit sa North Cotabato, ngunit nakatakas naman ito patungong lalawigan ng Maguindanao.
Patuloy pa rin ang pagtugis ng militar sa naturang grupo, ngunit handa umano ang BIFF sa labanan at sa katunayan ay hinamon pa ni BIFF spokesman Abu Misry ang awtoridad na sila’y habulin.
Hinamon rin nito ang pulisya at militar na kunin ang mga armas na kanilang nakulimbat sa mga napaslang na commandos ng Special Action Force nitong Enero 25 sa Barangay Tukanalipao sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao na kung saan ay pinagtulungan ng BIFF at MILF ang SAF team na siyang nakapatay kay Malaysian bomber Zulkifli bin Hir.
Nasa teritoryo ng MILF 105th Base Command ang hideout ni Zulkifli, alias Marwan. Kasama sa target ng militar ay si Abdulbasit Usman na minsan naging miyembro ng MILF at ngayon ay isa sa mga kinatatakutang terorista sa Mindanao.
Walang balita kung nasaan si Usman, ngunit may hinalang nagtatago ito sa mga kampo ng ilang MILF commander na siyang nagbibigay sa kanya ng proteksyon. Ngunit itinatanggi naman ito ng liderato ng MILF na noon nakaraang taon lamang ay lumagda ng peace accord sa pamahalaan Aquino. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/
Read Our News on: http://
Share The News