COTABATO CITY – Kinondena ngayon ng human rights group Suara Bangsamoro ang “all-out war” na kasalukuyang isinasagawa ng militar at pulisya kontra Bangsamoro Islamic Freedom Fighters dahil sa matinding epekto nito sa libo-libong sibilyan na patuloy sa kanilang paglikas sa North Cotabato at Maguindanao.
Sinabi ng grupo na maraming kabahayan ang nasira sa pambobomba ng militar sa bayan ng Shariff Saidona, Shariff Aguak at Datu Unsay sa Maguindanao nitong Pebrero 28 dahil lamang sa balitang naroon umano ang BIFF at ang bomber na si Abdulbasit Usman.
“Residents were forced to evacuate at 8:00 in the morning when the combined forces of the military and police started shooting at the community believed to having a presence of the BIFF. Two hours after, the state forces started ground and aerial assaults destroying some houses of the residents,” ani Jerome Aba, ang tagapagsalita ng Suara Bangsamoro, sa pahayag nito sa Mindanao Examiner.
Ayon kay Aba, isang dosenang barangay sa bayan ng Shariff Saidona, Shariff Aguak at Datu Unsay ang lubhang apektado ng opensiba na ipinag-utos ni Armed Forces chief General Gregorio Catapang.
Ang mga barangay ay ang sumusunod – (Shariff Saidona) Pamalian at Sharif Saidona Mustapha; (Sharif Aguak) Tina, Malingaw, Mungkas, Bagong, Maibunga, Kolumpang, Peking, Dagutom; at (Datu Unsay) Maitumaig at Iganagampong.
Ibinunyag pa ni Aba, na ginagamit ng militar ang mga lugar ng sibilyan bilang kampo ng 17 amphibian tanks at 26 na truck sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan.
Tinawag naman ni Aba na “overkill” ang opensiba ng militar dahil sa kakaunting puwersa ngb BIFF kontra sa matinding firepower ng pamahalaan mula army at air force.
Wala naman inilabas na anumang pahayag ang 6th Infantry Division kaugnay sa opensiba nito sa naturang mga lalawigan.
Tahasang rin inihayag ni Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu ang pagtutol nito sa opensiba ng pamahalaang Aquino laban sa BIFF sa kanyang lalawigan at sa halip ay hanapan na lamang ito ng mapayapang solusyon.
Malaking bahagi ng “all-out war” ng militar kontra BIFF at Usman ay nakatuon sa Maguindanao.
Ayon kay Mangudadatu, mas mainam kung mapaguusapan na lamang sa mapayapang paraan ang kaguluhan sa Maguindanao sa halip na giyera dahil apektado ng husto sa labanan ang mga inosenteng sibilyan.
Maaari rin umanong pakiusapan ng mga lider at miyembro ng Moro Islamic Liberation Front ang kanilang kaanak at kaibigan sa BIFF na itigil na ang kaguluhan at tumulong na magkaroon ng kapayapaan sa Mindanao.
Dahil sa opensiba na ipinag-utos ng militar ay possible lamang na lalong paigtingin ng BIFF ang kanilang atake sa mga sibilyan. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News