
Ito ang makikitang tanawin sa Maguindanao na kung saan ay patuloy ang operasyon ng 6th Infantry Division sa ilalim ni Maj. Gen. Edmundo Pangilinan kontra Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at dating MILF commander at kilabot na bomber na si Basit Usman.Libo-libong pamilya na ang lumikas sa takot na madamay sa gulo sa lalawigan. (Kuha ni Mark Navales - Mindanao Examiner)
MAGUINDANAO – Isang bomba na itinanim sa highway sa Maguindanao province ang nadisarmahan ngayon Marso 2 ng militar bago pa man ito sumambulat at agad nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na mag-ingat ng husto dahil sa banta ng terorismo.
Nabatid kay Capt. Jo-ann Petingaly, ang tagapagsalita ng 6th Infantry Division, na natagpuan ng sibilyan ang bomba sa dakong bahagi ng Barangay Kabingi sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan bandang alas 6.40 ng umaga. Agad naman itong ipingabigay alam sa militar at pulisya at kung kaya’t mabilis itong nabigyan ng aksyon.
Ang highway ay pangunahing daanan ng mga bus at iba pang mga sasakyan at siyang nagdudugtong sa ibat-ibang bahagi ng lalawigan. Ngunit sa kabila ng pagkakabawi sa bomba ay isang indikasyon naman ito na patuloy pa rin nalulusutan ng rebeldeng grupo ang militar at pulisya sa kabila ng mahigpit na siguridad sa lalawigan.
Hindi pa mabatid kung sino ang nasa likod ng bigong pambobomba, ngunit malaki ang hinala ng militar at pulisya na kagagawan ito ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters na ngayon ay patuloy na tinutugis ng pamahalaan sa North Cotabato at Maguindanao.
“The Joint Task Force Central and the police are relentlessly conducting joint law enforcement operations in the province,” ani Petinglay.
Karamihan sa mga miyembro at lider ng BIFF ay mula sa Moro Islamic Liberation Front na lumagda ng peace talks sa pamahalaang Aquino noon nakaraang taon.
Kamakalawa lamang ay tatlong tauhan umano ni dating MILF commander Basit Usman ang napatay ng militar sa Maguindanao at kasama rin ito sa target ng 6th Infantry Division. Nagtatago umano ito sa lalawigan, ngunit hindi malinaw kung nasa grupo ng BIFF ito o wala. (Mark Navales)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News