COTABATO CITY – Supalpal, kung baga sa basketball at ito ang kinalabasan ng bintang ni dating Interior Sec. Rafael Alunan at Davao City Rep. Karlos Alexei Nograles ng sabihin nilang Malaysian citizen si Moro Islamic Liberation Front chairman Murad Ebrahim at deputy nitong si Mohagher Iqbal.
Ito’y matapos na ilantad ni Iqbal ang kanyang passport upang patunayan na siya ay isang Filipino citizen. Ipinakita nito sa media ang passport sa isang panayam sa Cotabato at tahasang binasag ang kasinungalingan na ikinalat ni Alunan sa kanyang Facebook account.
Hindi naman agad makunan ng pahayag si Ebrahim ukol sa bintang ni Alunan, ngunit ayon kay Iqbal ay Philippine passport holder rin ang lider ng MILF. Inamin naman ni Alunan sa dakong huli na ang impormasyon ay ipinasa lamang sa kanya, ngunit hindi naman nito binerepika sa Department of Foreign Affairs ang naturang alegasyon at wala rin itong sinabi kung sino ang nagpadala nito.
Subali’t sinakyan naman agad ito ni Nograles at nagsabi pa na dapat imbestigahan sina Murad at Iqbal. Tulad ni Alunan, hindi rin inalam ni Nograles sa DFA ang naturang isyu at agad itong umepal sa nasabing bintang.
Hindi naman mabatid kung ano ang motibo ni Alunan sa pagkakalat ng maling impormasyon sa Facebook ukol kina Iqbal.
Wala naman balak na magsampa ng anumang kaso sina Iqbal at Ebrahim kina Alunan at Nograles. Hindi pa tiyak kung hihingi ba ng paunmanhin ang mga ito kina Iqbal at Ebrahim. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News