ZAMBOANGA CITY – Nagbabanta ang isang malaking ‘rido’ o giyera sa pagitan ng dalawang grupo ng Abu Sayyaf sa lalawigan ng Sulu matapos na mapaslang ang isang sub-leader ng Abu Sayyaf ng sarili nitong pamangkin.
Naunang kinumpirma ng Western Mindanao Command ang pagkakapatay kay Khalid Sali – na diumano’y dating miyembro ng Moro National Liberation Front at naging kapitan ng Philippine Army bago ito tumiwalag upang sumama sa Abu Sayyaf.
Niratrat ni Yasser Sahiron, na kaanak ni Abu Sayyaf leader Radulan Sahiron, ang tiyuhin nitong si Sali habang nagpapahinga sa tabing-ilog sa Barangay Bud Bunga sa bayan ng Talipao. Apat na iba pang tauhan ni Sali ang sugatan.
Nabatid na mismong si Abu Sayyaf sub-leaders Puruji Indama at Hatib Hajan Sawadjaan ang umano’y nagsabi kay Sahiron na isang military spy ang tiyuhin kung kaya’t pinagplanuhan nito na birahin si Sali.
Hindi naman agad mabatid kung may plano ba ang MNLF na ipaghiganti si Sali. Ngunit nag-armas na umano ang pamilya at kaanak ng napaslang na subleader upang ipaghiganti ito at target nila ang mga kamag-anakan at pamilya ni Sahiron.
Sinabi naman ni Western Mindanao Command spokeswoman Capt. Maria Rowena Muyuela na nagmo-monitor umano sila sa maaaring gulo na dala ng mga banta sa isat-isa ng Abu Sayyaf.
“Naka-monitor tayo sa kilos ng mga Abu Sayyaf kung may plano man silang mag-ubusan at ang mahalaga sa atin ay hindi madamay ang mga sibilyan,” wika pa ni Muyuela sa Mindanao Examiner. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News