PAGADIAN CITY – Hawak ngayon ng pulisya ang isang bomber na hinihinalang may kaugnayan sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters matapos itong madakip sa isang checkpoint sa lalawigan ng Misamis Occidental.
Kinilala ng pulisya ang bomber na si Abdulmalik Sali na dating miyembro ng kidnap at extortion gang na Al Khobar at sinasabing nakasama ni Malaysian bomber Zulkifli bin Hir at Basit Usman, na dating commander ng Moro Islamic Liberation Front.
Naharang si Sali sa highway sa bayan ng Panaon nitong hapon ng Marso 21. Naitimbre umano ng isang police informant ang pagdaan ni Sali sa naturang lugar kung kaya’t agad naglagay ng road blocks ang mga parak sa nasabing bayan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sabit umano si Sali sa pambobomba ng mga bus ng Rural Transit Mindanao at sa ibat-ibang lugar sa Davao del Sur, North Cotabato, Cotabato City at Kidapawan.
Hindi naman mabatid pa kung ano ang ginagawa ni Sali sa Misamis Occidental na kilalang kuta naman ng New People’s Army.
Walang sinabi ang pulisya kung may nakuhang bomba o armas kay Sali ng ito’y madakip at hindi naglabas ng anumang detalye ang awtoridad ukol sa pagkakahuli sa terorista. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News