
TOP-rating na umano ang primetime drama series ng ABS-CBN na “Bridges of Love” dahil sa mapangahas at mabilis na andar ng kwento nito na umiikot sa buhay ng magkapatid na sina Gael (ginagampanan ni Jericho Rosales) at Carlos (Paulo Avelino), na matapos paglayuin ng isang malagim na trahedya ay pinag-ugnay ngayon ng pagkabighani nila sa isang kaakit-akit na club dancer na si Mia (Maja Salvador).
Patunay sa pagkahumaling ng mga manonood sa “Bridges of Love” ang datos mula sa Kantar Media, kung saan humataw ito sa national TV ratings mula nang magsimula itong umere noong Lunes (Marso 16). Panalo ang serye nina Jericho, Paulo, at Maja sa time slot nito taglay ang national TV ratings na 21.9%, 24.4%, 24.4%, at 24.1% mula Lunes hanggang Huwebes (Marso 19). Malaki ang lamang ito kumpara sa katapat na programa sa GMA na “Second Chances,” na nakakuha lamang ng13.6%, 12.3%, 14.1% at 14.8%.
Mas kakapitan pa ng viewers ang love triangle sa “Bridges of Love” lalo na ngayong lumalalim na ang espesyal na pagtingin nina Gael at Carlos kay Mia. Paano susubukin ng pagmamahal ang minsan nang nasirang relasyon ng magkapatid? Ang pag-ibig ba ang magsisilbing gamot na hihilom sa sugat ng nakaraan o ito ang lason na tuluyang wawasak sa ugnayan nina Gael at Carlos?
Ang “Bridges of Love” ay sa ilalim ng direksyon nina Dado Lumibao, Will Fredo, at Richard Somes. Ito ay likha ng Star Creatives production, ang grupong naghatid sa primetime TV hits kabilang ang “Princess and I,” “Got to Believe,” “The Legal Wife,” at ang kasalukuyang umeere ring “Forevermore.” (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News