
CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / May 25, 2014) – Patuloy na ginagalugad kahapon ng militar ang malaking bahagi ng kabundukan ng Claveria, isang bayan sa Misamis Oriental matapos na matagpuan doon ang mga umano’y libingan ng mga pinaslang ng New People’s Army.
Ayon sa ulat ng 4th Infantry Division ay nabawi kamakailan sa Barangay Aposkahoy ang apat na mga kalansay at nakagapos pa diumano ang mga kamay nito. Ito na ang ikalawang libingan na nadiskubre ng militar sa naturang bayan at noon Abril ay 12 kalansay ang nahukay ng mga sundalo sa tulong ng isang guide na dating rebelde.
Nabatid sa militar na ang mga pinaslang ay mga sibilyan na pinaghinalaan mga informant o espiya ng pamahalaan. Hindi pa mabatid kung kailan naganap ang pamamaslang, ngunit posibleng matagal na umano itong naganap dahil sa kondisyon ng ilang mga buto na nabawi noon nakaraang buwan.
Hindi naman mabatid kung isasailalim ba ang mga kalansay sa DNA testing upang malaman kung may mga pamilya o kamag-anakan pa ang mga ito sa naturang bayan o ililibing na lamang sa isang mass grave.
Ang lalawigan ay kilalang stronghold ng NPA sa northern Mindanao. (Mindanao Examiner)