
LANAO DEL SUR (Mindanao Examiner / May 17, 2014) – Nanganganib na mabasura ang Bangsamoro deal ng pamahalaang Aquino at Moro Islamic Liberation Front sa bayan ng Wao sa Lanao del Sur na kabilang naman sa magulong Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ito’y matapos na magbanta ang ilang mga grupo ng Maranao na sasakupin nila ang mga lupain ng Kristiyano sa nasabing bayan dahil bahagi umano ito ng kanilang ancestral domain. Halos 85% ng 40,000 populasyon ng Wao ay pawang mga Kristiyano na matagal ng naninirahan sa naturang bayan.
Noon Abril lamang ay ito rin ang banta ng libo-libong sibilyan na lumahok sa isang forum ukol sa Bangsamoro accord, ngunit wala rin nagawa ang ang pamahalaan ukol sa pangamba ng karamihan.
Sa kasalukuyan ay marami ng mga residente ng Wao ang nag-aarmas na bilang panigurado sa kanilang pagtatanggol sa pamilya at mga ari-arian. Hindi umano nila papayagan na agawin ang kanilang mga lupain sa naturang bayan.
Subali’t may mga grupo na umano ng mga Maranao ang naglalagay ng marker sa ibat-ibang lupain sa Wao na kung saan ay inaangkin ito bilang ancestral domain.
Kinumpirma rin ni Wao Mayor Elvino Balicao Jr. ang saloobin ng mga residente ukol sa Bangsamoro at ayaw umano ng mga ito na mapasama sa Bangsamoro homeland. Ngunit may mga grupo rin sa Wao ang sumusuporta sa Bangsamoro deal dahil ito umano ang magdadala ng kapayapaan sa Mindanao.
Nakapaloob sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro na nilagdaan noong Marso 27 ang ibat-ibang probisyon at daraan pa sa referendum ang mga lalawigan na mapapasama sa bago at mas pinalawak na Muslim autonomous region.
Nangako ang mga residente na ibabasura nila ang nasabing kasunduan sa referendum na siyang magpapatibay sa peace agreement sa pagitan ng pamahalaan at MILF. Dapat ay plantsado na ang Bangsamoro homeland sa 2016 na kasabay naman sa local at national elections.
Bukod sa Wao ay ayaw rin ng Isabela City sa lalawigan ng Basilan at Zamboanga City na mapabilang sa Bangsamoro homeland.
Ganito rin ang pangamba ng mga Kristiyano sa bayan ng President Quirino sa lalawigan ng Sultan Kudarat dahil sa banta ng mga grupong Moro doon na babawiin ang mga lupain sa kanila dahil ito ay bahagi ng ancestral domain.
Nag-armas na rin ang maraming magsasaka doon bilang proteksyon sa sarili at sa mga lupain nila. (Mark Navales)