
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / May 16, 2014) – Isang lalaki ang nabaril kahapon sa Zamboanga City, ngunit nakatakas umano ang mga salarin at kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya.
Nabatid na kumakain sa isang fast food sa Barangay Canelar ang biktimang si Andan Gadjalie ng ito’y barilin sa ulo at dead on arrival na sa pagamutan. Agad naman tumakas ang salarin sakay ng isang kotse na iniwan lamang hindi kalayuan sa lugar matapos na sumabog ang gulong nito sa unahan.
Hindi pa mabatid ang motibo sa pamamaril, ngunit talamak ang patayan sa Zamboanga City at kamakalawa lamang ay napaslang rin si Jailani Sabtarani sa Barangay San Roque na kung saan ay binaril ito ng isa sa dalawang armado na nakasakay sa motorsiklo.
Nakatayo lamang sa sidewalk si Sabtarani, 62, ng ito’y tirahin ng tatlong beses.
Bukod kay Santarani ay isang bumbero rin ang sugatan ng ito’y barilin sa Barangay Baliwasan Chico at nakilala ang biktima na si FO1 Randee Banguih. Ayon sa pulisya ay may lead na umano sa kung sino ang tumira sa bumbero. (May ulat ni Ely Dumaboc)