ZAMBOANGA CITY – Hawak na ngayon ng mga awtoridad ang isang ex-policeman na nagsilbing negosyador umano sa 2011 kidnapping ni Australian adventurer Warren Rodwell.
Nabatid na sa bayan ng Lahad Datu sa Sabah, Malaysia natunton ang suspek na si SPO2 Jun Malban na nagtago umano matapos na mapalaya si Rodwell noon 2013. Napag-alaman na nadakip ng Malaysian police nitong Abril lamang si Malban dahil sa wala itong mga papeles ng pumasok sa Sabah.
Nasa sinumpaang salaysay rin ni Rodwell ang pagkakasangkot ni Malban sa kaso. Ayon sa ulat, tinungo pa sa Sabah ng mga miyembro ng National Bureau of Investigation at Presidential Anti-Organized Crime Commission at PNP-Anti Kidnapping Group upang makuha lamang ang suspek sa kustodiya ng Malaysia upang kaharapin nito ang kaso laban sa kanya.
Dala ng mga awtoridad sa Sabah ang arrest warrant na inilabas ni Judge Josefino Bael ng Regional Trial Court Branch 24 sa bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay na kung saan dinukot si Rodwell sa loob ng kanyang bahay ng mga armadong naka-uniporme ng pulis.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya si Malban na may alias na Micheal Zoo na sinasabing kamag-anak ni Abu Sayyaf leader Khair Mundos sa Basilan na kung saan dinala si Rodwell ng mga kidnappers.
Hindi naman agad makunan ng pahayag si Malban laban sa mga akusasyon sa kanya. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News