MANILA – Binatikos ng SALINLAHI Alliance for Children’s Concerns ang diumano’y kabiguan ni Education Secretary Armin Luistro na abutin ang target na 18,883 karagdagang classroom nitong taon bilang bahagi ng implementasyon ng K-12 program.
“Nagkumahog ang DepEd na ipatupad na ang K12 program dahil diumano’y handa sila, pero katulad ng nakaraang mga taon bigo itong gampanan ang kanilang tungkulin sa takdang panahon. Ilang estudyante lang ba ang kayang pumasok sa 7,051 na classroom na kanilang pinagmamayabang na naitayo? Saan ipagsiksikan ang mga mag-aaral, lalo na ang mga tutuntong ng senior high school sa susunod na taon? Bakit ayaw pa kasing tanggapin ng DepEd na hindi pa sila handa para sa programang K12,” ani Kharlo Manano, pangkalahatang kalihim ng SALINLAHI, isang alyansa ng 24-organisasyong pambata.
Isa rin sa ikinakatakot ng grupo ang mga balitang wala pa ring Teaching Guide at mga libro ang mga guro na magtuturo ng K12. Ayon pa sa SALINLAHI, sa kanilang paglilibot sa mga eskwelahan ng Marikina, agaw-atensyon ang mga tarpaulin na nakasaad ang mga katagang “Sa K12 handa kami” na nakasabit sa mga eskwelahan pero ayon na rin mismo sa inilabas na listahan ng DepEd ay 3 eskwelahan lang sa Marikina ang nakahandang ipatupad ang Senior High School.
“Nakakalungkot dahil mukhang mga tarpaulin at announcements lang nila ang handa sa K-12, kabaliktaran ito kung ang pagbabatayan natin ay ang tunay na kalagayan ng mga eskwelahan mula sa pasilidad, kagamitan hanggang sa kahandaan ng mga guro”, dagdag ni Manano.
Sa darating na Mayo 29, lalahok ang grupo sa isang caravan na iikot sa mga eskwelahan sa Metro Manila upang ipanawagan ang pagpapatigil ng implementasyon ng programang K12.
“Hindi bulag o bingi ang mga magulang at ang mamamayan, alam nila mismo na hindi handa ang DepEd sa K12 at gusto nilang ihinto ang pagpapatupad nito dahil anila, dagdag pahirap ito sa kanila at hindi malinaw ang kinabukasan ng kanilang mga anak sa naturang programa”, pagtatapos ni Manano. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/ and http://www.mindanaoexaminer.net/
Share The News