
SULU (Mindanao Examiner / May 9, 2014) – Pinuri ni Sulu Governor Totoh Tan ang paglulunsad ng “Text2Teach” training program na kung saan 15 mga paaralan sa elementarya ang nakinabang sa naturang proyekto ng ibat-ibang stakeholders sa bansa.
Noon nakaraang taon ay inilunsad rin ang proyekto sa Sulu sa pamamagitan ng Text2Teach alliance na kinabibilangan ng Nokia, Globe Telecom, Ayala Foundation, Inc., Pearson Foundation, Toshiba at ng Department of Education.
Ngayon taon ay muli itong inilunsad sa pakikipagtulungan sa 2nd Marine Brigade at Marine Battalion Landing Team 6 at gayun rin kay Lt. Col. Antonio Mangoraban, local government units, mga non-governmental organizations at iba pang mga stakeholders.
Inimbitahan ng mga organizers si Tan bilang guest of honor sa paglulunsad nito sa bayan ng Jolo kamakailan lamang. Sa kanyang talumpati ay sinabi ni Tan ang kahalagahan ng edukasyon sa mga kabataan dahil ito ang siyang huhubog sa kanilang kinabukasan upang maging mabuting mamamayan.
Sinabi pa ni Tan na maging ang mga bagong teknolohiya ay nakakarating na rin sa Sulu sa pamamagitan ng Internet at cell phones at lubha umanong mahalaga ito sa bawat isa.
“Sa makabagong panahon ngayon lubha pong napakabilis ang takbo ng teknolohiya lalo na sa larangan ng komunikasyon. Naglipana ang mga iba’t ibang uri ng cell phones at iba pang mga gadgets at nakaugalian na ng mga kabataan ngayon bilang libangan at pakikipag-ugnayan sa mga kaibigan sa mga facebook at iba pang social media. Ang Sulu, kahit na tinuturing na malayong lugar, halos lahat ng pamamahay dito ay mayroon kahit isang cell phone man lamang. Hindi natin mapipigilan ang pag-unlad ng teknololohiya bagkus maiiwan tayo ng panahon kung hindi natin magamit ang communication technology bilang isang instrumento ng pagunlad at pagbabago ng ating sambayanan.”
“Nagpapasalamat tayo sa Ayala Foundation, Globe Telecom Inc, DepEd, sa mga LGUs, NGOs, pribadong sektor at siyempre sa ating magigiting na Marines na nagsanib puwersa at kaisipan upang maisakatuparan ang isa pang balakin na magamit ang teknolohiya sa pagtuturo o edukasyon. Ang Text2Teach concept ay nagamit na sa ibang mga lugar tulad ng New Zealand kung saan napatunayan na ito ay nakatulong sa interaction ng mga mag-aaral at ng kanilang mga guro, bagama’t sa ibang mga liblib na lugar ay nagkaroon sila ng mga problema sa kuryente at sa signal,” wika pa ni Tan sa kanyang talumpati.
Nanawagan rin ito sa mga magulang at partikular sa mga estudyante at kabataan na pag-ibayuhin ang kanilang pagaaral at paggamit ng wasto sa ibat-ibang mga makabagong teknolohiya.
“Nananawagan tayo sa mga kinaukulan ganun din sa mga mag-aaral na makikinabang sa programang ito na wag sayangin ang pagkakataon na makatamo ng karunungan at wastong paggamit ng teknolohiya na pinagbuhusan ng panahon at tiyaga ng mga sponsors at mga volunteers. Ang pamahalaang panlalawigan sa ilalim po ng inyong abang lingkod ay patuloy na susuporta sa lahat ng mga hakbangin sa ikabubuti ng ating lalawigan at mamamayan.”
“Marami na ang pinagdaanan ng Sulu at napapanahon na, na ang lalawigan at ng kanyang mamamayan ay mabigyan naman ng pagkakataon na mamuhay sa katahimikan, ka-ayusan at kaunlaran ng walang sagabal,” ani pa ni Tan.
Natanggap naman ng mga paaralan ang ibat-ibang mga kagamitan, kabilang ang telebisyon, mga libro, cell phone at kung anu-ano pa. Ang mga nabigyan nito ay ang mga sumusunod na paaralang elementarya – Anuling, Danag, Datu Uddin Bahjin Central, Don Jose Godinez, Kan–Ague, Gandasuli, Igasan, Kadday Mampalam, Kaunayan, Kawmpang, Liang, Mudjunun, Patikul Higad, Tanum at ang Tuup.
Nagpasalamat rin ang mga organizers ng proyekto kay Tan dahil sa mga programa nito sa libreng edukasyon. (Franzie Sali)