DAVAO CITY – Nais umanong imbestigahan ng mga awtoridad ang isang religious sect sa Davao City matapos na mabatid na nagbenta ito ng mga durian candy na sinasabi na siyang nakalason sa maraming estudyante sa Caraga region.
Uambot na sa 2000 ang bilang mga biktima matapos na kumain ng nabiling candy na inilalako sa ibat-ibang lugar ng Caraga, partikular sa Tandag City. Siyam na vendors na ang sinampahan ng kaso kaugnay sa naganap na food poisoning kamakailan.
Ilan sa mga ito ay nakilalang sina Henrito Amoguis, Richard Rivera Jr., Genelyn Pasa, Junnil Teriote, Martinez Bocaycay, John Dequilla at Joel Pasa.
Sa panibagong imbestigasyon, lumabas naman na ang sekta ng milyonaryong si Pastor Apollo Quiboloy na siyang pinuno ng Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name, Inc. ay kabilang sa mga naglako ng candy at nagbenta ng candy ay ang mga miyembro nito.
Hawak na rin umano ng pulisya ang isang van ni Quiboloy na siyang ginamit sa pamamahagi ng durian at mangosteen candy sa Surigao del Sur.
Sa Barangay Maa sa Davao City rin umano galing ang mga candy na may tatak na Wendy at isang Janet Aquino ang diumano’y may-ari ng pagawaan nito. Sinabi ni Aquino na posibleng na-repacked ang mga candy dahil 6 buwan lamang ang pedeng itagal nito bago mag-expire o maaaring ginaya lamang ang kanyang produkto.
Ngunit ayon sa mga awtoridad ay hindi rehistrado sa Food and Drugs Administration ang Wendy’s Durian candy. Hindi naman agad mabatid kung ano ang pananagutan nina Aquino at Quiboloy habang patuloy ang imbestigasyon. Hindi naman agad makunan ng pahayag si Quiboloy. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com/
Share The News