
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Apr. 25, 2014) –Isang kilalang hotel sa Pagadian City sa Zamboanga del Sur province ang hinoldap ng dalawang armado at nilimas ang salapi sa front desk, ayon sa pulisya.
Sinabi ng pulisya na pinasok ng mga holdaper ang Bay View Plaza sa downtown Pagadian matapos na disarmahan ang security guard na si Arljun Galanan, 20, nitong Huwebes ng umaga.
Agad rin pinuntahan ng isang armado ang front desk at pinagbantaan ang mga clerk na sina Mary Jane Arao, 30, at Dally Grace Alumbro, 26. Tinangay rin ng mga holdaper ang mahigit sa P30,000 at dalawang cell phone at mga susi ng kuwarto ng hotel.
Hindi naman mabatid kung nakunan ba sa surveillance cameras ng hotel ang naturang pangyayari. Ayon sa pulisya ay iniimbestigahan pa ang kaso at ang identipikasyon ng dalawang armado.
Talamak ang nakawan at holdapan, gayun rin ang patayan sa Pagadian City. (Mindanao Examiner)