
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Apr. 25, 2014) – Dalawa umanong kilabot na kidnappers ang nasakote ng pulisya sa hiwalay na operasyon sa Zamboanga City at Zamboanga del Sur sa Mindanao.
Sinabi ni Insp. Dahlan Samuddin, ang regional police spokesman, na dinakip ng mga miyembro ng Zamboanga City Public Safety Company at Intelligence Section ng Zamboanga City Police Office si Jamal Gonzales na pasakay ng barko bago pa man ito makapuslit patungong bayan ng Jolo sa Sulu province kamakalawa ng gabi.
Naispatan umano ng mga intelligence agents si Gonzales matapos na makatanggap ng impormasyon na sisibat ito patungong Sulu.
Ayon kay Samuddin ay may nakabinbin na 16 kaso si Gonzales sa Regional Trial Court National Capital Judicial Region Branch 162 sa Pasig City. Nabatid na natibo si Gonzales ng bayan ng Pandami sa Sulu.
Hindi naman sinabi ni Samuddin kung miyembro ba si Gonzales ng Abu Sayyaf.
Nadakip rin ng mga parak mula Tukuran Police Station at Regional Intelligence Unit 10 ng pulisya si Tingaraan Pamosogan sa Barangay Santo Niño sa bayan ng Tukuran sa Zamboanga Del Sur kamakala rin matapos na matunton ang hideout nito.
Isinabit ng pulisya ang suspek sa mga serye ng kidnapping at may mga kaso sa Branch 21 ng Regional Trial Court sa bayan ng Kapatagan sa Lanao Del Norte.
“The accused was brought to Tukuran Police Station and was later turned- over to the Regional Intelligence Unit 10 based at Camp Alagar in Cagayan De Oro City for proper disposition,” ani Samuddin.
Hindi rin nito sinabi kung miyembro ng rebeldeng grupo si Pamosogan. (Mindanao Examiner)