MANILA – Kasado na umano ang mga Pinoy workers sa Middle East sa panawagan na “zero remittance day” sa Agosto 28 bilang protesta sa walang habas na pagbubukas ng mga Balikbayan boxes na ipinadadala ng mga OFWs sa kanilang pamilya.
Mismong ang Bureau of Customs ang siyang nagpatupad ng ganitong panuntunan at ang dagdag buwis sa mga ito.
Kinumpirma naman ng Migrante-Middle East ang naturang protesta at sinabing kaisa ito sa isasagawang aksyon ng mga OFWs sa buong mundo.
“Bilang tugon sa malawak at lumalakas na panawagan ng mga OFWs laban sa pagpataw ng dagdag na buwis at random inspection sa mga Balikbayan boxes, ikinasa natin ang kampanyang Zero Remittance Day sa Agosto 28.”
“Kasado na ang mga kapwa OFWs natin sa Middle East na pangungunahan ng mahigit 1.2 million sa Saudi Arabia at 400,000 naman sa UAE, at maging sa ibat-ibang bansa sa Asya-Pasipiko,Amerika, Canada, at Australia,” pahayag pa ni M-ME regional coordinator John Leonard Monterona na naka-base sa Saudi Arabia.
Sabi ni Monterona kahit pa man iniutos na ni Pangulong Aquino ang pagpahinto ng random inspection ay nakaamba pa rin ang pagpataw ng karagdagang charges o bayarin sa pagpapadala ng Balikbayan box.
“Andiyan pa rin ang pagpataw ng karagdagang clearing fees sa mga container van ng mga cargo forwarders base sa inilabas na utos ng Bureau of Customs; ipapataw ang P100,000 to P120,000 per container van,” ani Monterona.
Aniya dahil sa pagpataw ng mataas ng clearing fees, ipapasa ito ng mga cargo forwarders sa pamamagitan ng pagtataas din ng bayarin per kilo ng mga Balikbayan box na dagdag pahirap naman sa mga OFWs.
“Target talaga ng BOC ang P600 million revenue sa taong ito, kukunin nila eto sa pagpataw ng karagdagang duty o buwis sa mga cargo forwarders container vans,” dagdag pa ni Monterona.
Maaari rin na humaba pa o dalasan ang naturang aksyon hanggang sa halalan upang maramdaman ng pamahalaang Aquino ang hirap na dinaranas ng mga OFWs para lamang tustusan ang kanilang pamilya sa Pinas.
Maaapektuhan rin umano ang katayuan ni Interior Secretary Mar Roxas – na siyang presidential candidate ni Aquino at ng Liberal Party – sa 2016 polls dahil hindi ito iboboto ng mga OFWs at kanilang pamilya. “The ZRD could also be comparable to a Boycott Liberal Party or ‘Zero Vote’ for Mar Roxas and LP candidates,” ani Monterona. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share The News