
SULU (Mindanao Examiner / Apr. 16, 2014) – Nadakip ng militar ang isang teenager na diumano’y miyembro ng Lucky 9 kidnap-for-ransom group sa Sulu na may kinalaman sa mga serye ng dukutan sa naturang lalawigan.
Ibinigay na ng militar sa Patikul police station ang suspek at ngayon ay iniimbestigahan pa ng mga awtoridad. Hindi naman mabatid kung hahawakan ba ng Department of Social Welfare and Development ang 17-anyos na suspek.
Hindi pa matiyak kung ipinapasa ba ng grupo ng binatilyo ang kanilang mga bikitma sa Abu Sayyaf o sariling diskarte.
Kamakalawa lamang ay napatay rin ng mga marines ang isang Abu Sayyaf sa labanan sa nasabing bayan. Nagpa-patrol ang mga marines ng matiyempuhan nila ang isang grupo ng mga rebelde.
Hindi natagpuan ng militar ang bangkay ng napatay na rebelde at tinangay diumano ito ng Abu Sayyaf upang hindi makilala ng mga awtoridad.
Nitong nakaraang linggo lamang ay 2 sundalo ang nasawi at 28 ang sugatan sa labanan ng militar sa Abu Sayyaf sa Basilan province. Mahigit sa 200 tropa ng army ang nakipagbanatan sa 60 Abu Sayyaf, ngunit natakasan pa rin sila ng mga rebelde sa bayan ng Ungkaya Pukan at Tipo-Tipo. (Mindanao Examiner)