
KINIKILALA ng Suara Bangsamoro ang nilagdaang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa pagitan ng Government of the Philippines at Moro Islamic Liberation Front (MILF-GPH) bilang resulta nang inabot sa usapang pangkapayaan ng GPH-MILF, subalit kung hindi mapagbantay ang MILF nanganganib na maniobrahin ng administrasyong Aquino ang CAB para mahulog lamang ito sa makasariling interes ng Administrasyong Aquino at mga dayuhang namumuhunan.
Ilang araw matapos ang pirmahan, unti-unting binubulid ang usapang pangkapayapaan sa balangkas ng konstitusyonal at di konstitusyonal, na lubhang nakakabahala dahil ginagawang malabnaw at pinapakitid nito ang natitirang probisyon sa CAB na sa pananaw ng MILF ay tagumpay para sa Bangsamoro – ang wealth sharing at power sharing.
Magiging mapagbantay din ang Suara Bangsamoro sa maaring maniobra ng lehislatura na dinodimina ng partido ni President Benigno Aquino III, sa maaring pagpasok nila ng mga probisyong hindi sumasalamin sa interes ng mamamayang Moro bagkus mas magpapalakas pa sa pang-ekonomiya at pampulitikang interes ng administrasyong Aquino sa pamayanang Moro.
Kami ay nababahala na magamit lamang ang likas na yaman sa pamayanang Moro para sa interest ng dayuhang namumuhunan at mga kasapakat nitong local namumuhanan. Wala pa man naipatupad ang CAB, nitong nakaraang taon inanunsyo ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na nailako na ang 6,000 na ektaryang lupa sa Maguindanao sa korporasyong UNIVEX mula sa Malaysia at lokal na kasapakat, ang Al Mujahiden Agro Resources Development Inc (ARMADI) para magtayo ng plastasyon ng saging.
Nababahala kami sa Suara Bangsamoro na gamitin ng administrayong Aquino ang CAB upang mailako ang Charter-Change(Cha-Cha) sa mamamayang Moro bilang paraan para makilala ang itatayong bagong entidad ng Bangsamoro Autonomous Government, ngunit sa likod nito ay pahihintulutan ng Charter Change ang mga dayuhang namumuhunan na pwedeng na pag-arian ang 100% likas na yaman ng mamamayang Moro at Pilipino. Halos nabenta na nga ang mga likas na yaman sa lugar ng mga Moro, tulad ng deposito ng langis sa Sulu Sea Basin na pinagpapasahan ng Exxon Mobil at korporasyong Total.
Nangangamba kami sa maaring epekto ng mga probisyon at mekanismong binubuo sa Annex on Normalization ng CAB. Matatandaang ilang araw matapos lagdaan ito, sinampolan na ng AFP ang pagtutugis sa sinasabing mga “peace spoilers” sa Maguindanao sa isinagawang isang linggong aerial bombing laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa sa Datu Piang, Maguindanao noong January 26 hanggang April 1. Nagbunsod ito ng malawakang sapilitang paglikas ng daang bilang ng mga residente sa Datu Piang dulot ng walang pakundangang pagbobomba at panununog ng 6th ID ng AFP sa Maguindanao.
Bukod sa mga mapanlinlang na “peace and development” projects ng administrasyong Aquino sa MILF combatants, nakikita rin ng Suara Bangsamoro ang pagpressure sa MILF na isurrender na ang kanilang mga armas gayong wala pang kaseguruhan na may panghahawakan na ang MILF sa usapang pangkapayapaan.
Iginigiit ng GPH ang pagsurender ng baril, gayong wala namang nangyayaring “redeployment” sa pwersang militar ng AFP. Bukod dito, minamadali ng gubyernong US na pirmahan na ng Pilipinas ang kasunduang militar nito, ang Enhanced Defence Cooperation na magbibigay daan sa pagdagsa ng maraming bilang ng sundalong Amerikano sa Pilipinas, pagdaong ng kanilang mga kagamitang pandigma at malayang paggamit sa mga pasilidad tulad ng daungan, paliparan at mga kampo. Lalong magiging bulnerable ang aming mga komunidad sa mga human rights violations na maaring idulot ng mga operasyong militar ng tropang Amerikano at AFP.
Nakakapangamba din ang doble-karang approach ng administrasyong ito sa usapang pangkapayapaan. Tahasang nilalabag nito ang mga nagdaang kasunduan sa na pinirmahan ng gubyerno ng Pilipinas tulad ng 1996 Final Peace Agreement sa Moro National Liberation Front (MNLF) at The Hague Joint Declaration at Joint Agreement on the Safety and Immunity Guarantees (JASIG) sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ang pagsasawalang bahala ng administrasyong Aquino sa iba pang grupo ay pagwawalang bahala din sa mga lehitimong isyu na kanilang inilapag sa mga usaping pangkapayapaan tulad ng inhustisya, kawalan ng lupa, at di pagkilala sa mga karapatang pantao.
Taong 2010 ng maupo ang administrasyong Aquino at pinirmahan ang Framework Agreement on the Bangsamoro noong 2012 pero makalipas ang mag aapat na taong panunungkulan ng kanyang Administrasyon nananatili ang kawalang lupa, hustisya at pagbabago sa hanay naming mga Bangsamoro bagkus patuloy ang pambubusabos sa aming lupang ninuno at mas lalo kaming nalugmok sa kumunoy ng kahirapan na ayon mismo sa tala ng gobyerno ang Autonomous Region in Muslim Mindanao(ARMM) na ang rehiyon ng Moro ang pinakamahirap na rehiyon sa buong bansa.
Hindi namin hahayaan na gamitin ang CAB upang mapagtakpan ng Administrasyong Aquino ang mga pinsala ng kanyang mapaniil at mapanlupig na programa sa mamamayang Moro ng pagpapanatili sa War on Terror, State of Emergency sa Maguindanao, State of Lawlessness sa Basilan at ang ‘All Out Justice’ ni Aquino sa Basilan noong 2011.
Nalulungkot kami sa Suara Bangsamoro sa posibleng ibubunga ng Normalization ang pagdis-arma sa Bangsamoro Islamic Arm Forces(BIAF) na naka konteksto ng programang kontra-insurhensya na nakatago sa pangalang Oplan Bayanihan(OBN) na sinusupil nito karapatang ng Mamamayan. Nakakapangamba ang pagbubuo ng mga Joint Normalization Teams(JNT) na mapanghati sa mga mamamayang Moro kung mismo ang MILF ay kasama sa mga magpupulis sa mga tinaguriang “peace spoilers” ng usapang pangkapayapaan, isa itong mapanghating instrumento kung saan ang Moro ay magagamit laban sa kapwa niya Moro.
Nananawagan ang Suara Bangsamoro sa mamamayang Moro na maging mapagbantay sa mga posibleng maniobrang gagawin ng Administrasyong Aquino para gamitin lamang sa sariling kapakanan at sa Dayuhang Namumuhunan ang usapang CAB hindi ang pagtugon nito sa matagal nang hiling ng mamamayang Moro ang makapag pasya sa sarili.
Suara Bangsamoro
Cotabato City
suarabangsamoro2014@gmail.com