
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Apr. 10, 2014) – Hawak ng pulisya ang isa diumanong hired killer na siyang itinuturo sa pagpatay sa isang parak at sa sibilyan na kasama nito sa Zamboanga City.
Inanunsyo kahapon ni Insp. Dahlan Samuddin, ang regional police spokesman, ang pagkakadakip kay Idris Daris, 52, sa Barangay Cawit sa isang operasyon at nabawi sa kanya ang isang .38-kalibreng revolver at 6 bala.
Si Daris ang itinuturong pumatay noon Abril 5 kina PO1 Marcel Tuballa at Richard Buenaventura na tinambangan sa Barangay Baliwasan habang nakasakay ng motorsiklo.
Nakuha rin kay Daris ang ibat-ibang mga litrato na diumano’y target rin nito. Hindi naman isiniwalat ng pulisya kung sino-sino ang mga nasa larawan.
Kasalukuyang nakapiit ngayon si Daris sa kulungan at nahaharap sa kasong kriminal habang patuloy ang imbestigasyon sa kanya. Hindi pa mabatid kung sino ang utak sa pamamaslang kina Tuballa.
Talamak ang patayin sa Zamboanga dahil sa dami ng mga hired killers na naglipana dito na siyang nasa likod ng maraming krimen. (Mindanao Examiner)