
SULTAN KUDARAT (Mindanao Examiner / Apr. 7, 2014) – Isang sundalo ng Philippine Army at isang CAFGU militia ang inakusahan ng pananakit sa apat na ibang militiamen sa bayan ng President Quirino sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Nailigtas lamang diumano ni Katiku Barangay Captain Sancho Salamanca ang mga biktima na nagsabing pinahirapan sila ng naturang sarhento na siyang cadre officer ng 9th CAFGU Active Auxiliary. May cellphone video rin umano ang naganap na pagpapahirap kamakailan lamang sa apat na militia.
Nabatid na dinisarmahan umano ng naturang sarhento ang apat na militia ng sila’y dumating sa kanilang detachment sa hindi pa malamang kadahilanan. At matapos nito ay pinagapang sila sa isang canal habang nilalatigo naman ng isa pang militiaman sa utos ng cadre officer.
Narinig pa umano na sinabi ng sarhento sa apat na: “Dito walang batas-batas, puwede ka maglasing, magdala ng babae at magkamang-kamang.” Hindi naman nagbigay ng pahayag sa Mindanao Examiner ang akusado.
Nakarating na rin diumano kay Colonel Melquiades Feliciano, ng 601st Infantry Brigade, ang naturang reklamo at Nangako ito na iimbestigahan ang alegasyon. (Rose Muneza)