
MANILA (Mindanao Examiner / Apr. 6, 2014) – Walang awang pinatay kaninang umaga ang isang babaeng reporter ng Remate tabloid na si Rubie Garcia matapos na pasukin ng mga armado ang kanyang bahay sa bayan ng Bacoor sa Cavite province.
Mariing kinondena ng media group Alab ng Mamamahayag (ALAM) ang pagpaslang sa 52-anyos na beteranong mamamahayag at regular na miyembro ng Nationa Press Club. Nabatid na nilusob ng tatlong salarin ang tahanan ni Garcia sa Barangay Talaba 2 at pinagbabaaril ito hanggang sa mapatay.
Agad naman tumakas ang mga killers sa kabila ng halos kalapit lamang ng himpilan ng pulisya ang bahay ni Garcia.
“Paulit-ulit na lamang ang pagpatay sa mga journalist sa panahon ng pamumuno ni Presidente Benigno Aquino III mula pa noong 2010,” ani ALAM Chairman Jerry Yap. “Nangako siyang sa kanyang Tuwid na Daan ay mawawala ang culture of impunity pero walang nangyayari. Mga inutil silang lahat.”
Sa report na natanggap ni Yap ay may nakasagutan na isang mataas na opisyal ng Philippine National Police si Garcia bago naganap ang pamamaril. Hindi naman agad mabatid kung may kinalaman ito sa krimen, gayunman ay hiniling ng ALAM na imbestigasyon itong maiigi ng mga awtoridad.
“Dapat paimbestigahan ito ng gobyerno” giit ni Yap. “Nasaan na ang mga Task Force na ginawa nila? Nasaan ang Task Force Usig ng Department of Justice? Sila ang dapat humawak nito.”
Idinagdag pa ni Yap na walang tigil ang mga mamamahayag sa pakiusap kay Aquino na bigyang katarungan ang pananakit at pagpatay sa mga mamamahayag, ngunit nagbibingi-bingihan lamang ang gobyerno.
Dapat din umanong imbestigahan ng DOJ at ng National Bureau of Investigation ang nasabing istasyon ng pulisya kung bakit hindi agad naka-responde sa atake.
Gayunman, hindi umano magsasawa ang ALAM na manawagan sa gobyerno, lalo na sa kaso ni Garcia, na resolbahin sa lalong medaling panahon ang kaso. “Baka sakali lang naman na meron pa silang kunsensya. Umaasa kaming kahit man lamang ang kaso ni Garcia ay may patutunguhan,” ani Yap.
Kinondena rin ng Mindanao Independent Journalists Alliance, Inc. at Davao del Norte Press and Radio-TV Club ang pagpatay kay Garcia. “We urge the Aquino government to solve all killings of journalists,” pahayag pa ng MIJA sa ipinadalang mensahe sa Mindanao Examiner.
“We demand immediate solution of the case, and bring the culprits behind bars,” wika naman ni Sarx Lanos, ang information officer ng DNPRC. (May dagdag na ulat mula kay Nanet Villafania)