
SULU – Dinagsa na libo-libong katao ang selebrasyon ng 625th founding anniversary ng lalawigan ng Sulu na kung saan ay inilunsad rin ang kauna-unahang Mangosteen Festival doon.
Bumaha ng mangosteen sa lalawigan na kung saan ay pingakaguluhan ito ng mga residente. Kilala ang Sulu sa kanilang masarap at matamis na durian at lanzones, gayun rin ang kapeng barako na hinahabol-habol ng maraming coffee lovers.
Dumalo rin sa katatapos lamang na selebrasyon ang mga kilalang artista na sina Philip Salvador, Jeric Raval, Jestoni Alarcon, Long Mejia at rapper Andrew E na kung saan ay nakahalubilo ang mga ito sa publiko.
Namangha naman ang naturang grupo ng mga artista sa kagandahan ng Sulu at ang maiinit na pagtanggap sa kanila ng mga tagaroon. Nasilayan rin ng mga ito ang kabaitan ng mga residente at ang makulay na kultura ng Sulu at ang masasarap na pagkain na natikman ng mga ito.
“Walang putok na puwedeng pumigil sa akin para bumalik dito, mahal ko kayo Sulu,” wika pa ni Philip Salvador.
Ito rin ang naging pahayag ng komendyanteng si Long Mejia. Sinabi naman ni Andrew E. na ikukuwento nito sa kanyang mga kaibigan at kapwa artista ang naging magandang karanasan sa Sulu. “Definitely sasabihin namin sa kapwa naming artista ang magandang experience namin dito,” ani Andrew E.
Pinagkaguluhan ng mga residente ang mga artista at kanya-kanyang ‘selfie’ ang kuha ng litrato ng mga ito gamit ang kanilang smart phone.
Isinagawa ang kasiyahan sa bayan ng Maimbung na kung saan ay halos hindi magkanda-ugaga ang mga manonood sa palakpakan at kasayahang inilatag ni Governor Totoh Tan at Mayor Samier Tan ng naturang bayan.
Nagpasalamat naman si Governor Tan sa mga dumalo at nakisaya sa selebrasyon at nangako na lalong pagsisikapan ang pagpapaganda at pagpapaunlad sa Sulu.
“Napakadami ng dumalo sa founding anniversary at patunay lamang ito sa patuloy na pag-unlad ng Sulu sa tulong na rin ng mga mamamayan at mga civil society groups at organizations, business at iba pang sektor sa komunidad.”
“Pagsisikapan pa natin na mapalaganap ang kapayapaan at kasaganahan dito sa Sulu,” sabi pa ni Governor Tan at pinasalamatan rin nito ang mga kaibigang artista sa kanilang pagdalo sa selebrasyon at nabigyan ng malaking kasiyahan ang publiko. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share The News
https://mindanaoexaminer.com/ad-rates