
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Mar. 15, 2014) – Masuwerteng nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang isang ginang matapos na sumabog at masunog ang kubo nito ng tamaan ng kidlat sa Zamboanga City.
Nagpasiya umanong lumabas ng kanyang kubo si Cloteldel Apolinario sa Zone 5 sa Barangay Cacao upang pakainin ang alagang baka ng bigla umano itong makarinig ng malakas na kulog at nagulantang na lamang ng tamaan ng matalim na kidlat ang kanyang bahay.
Hindi naman makapaniwala si Apolinario sa nasaksihan at kung paanong masunog at maabo ang kanyang kubo dahil sa kidlat at masuwerte umano at walang ibang tao ang nasa loob ng kubo.
Noon nakaraang Nobyembre lamang ay isang 2-anyos na bata na si Reggie Francisco ang nasawi dahil sa tinamong sunog sa katawan at malubha naman ang ina nitong si Angelyn matapos silang tamaan ng kidlat sa Barangay Lanzones sa Zamboanga City.
At Hunyo rin ng nakaraang taon ay namatay rin sa tama ng kidlat si Elsa Dumolom, 38, sa katabing lalawigan ng Zamboanga del Norte. Nakaupo lamang sa kanyang kama si Dumolom ng lumusot sa bukas nitong bintana ang kidlat at tinamaan ito at masunog.
Kalimitan ang kidlat ay nagmumula sa tuwing may thunderstorm sa makakapal at maitim na ulap na may electrical charge. (Mindanao Examiner)