
MAGUINDANAO – Nawawala na umano ang pag-asang maisalba ang Bangsamoro Basic Law o BBL sa tiyak na kamatayan sa Kongreso habang patuloy ang pagpigil ng ilang mga mambabatas na maipasa ito sa kadahilanang hindi katanggap-tanggap ang mga probisyon nito.
Unconstitutional diumano ang maraming probisyon sa loob ng BBL at mistulang tanggap na ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na malabo ng maipasa ang batas sa ilalim ng administrasyong Aquino.
Sinabi naman ni MILF chieftain Murad Ebrahim na nakahanda na silang maghintay sa susunod na administrasyon kung sakaling mabalam ang BBL. Ngunit nilinaw nito na hindi nila tatanggapin ang anumang bersyon ng BBL maliban lamang kung ito ay naaayon sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro at Framework Agreement on the Bangsamoro na nilagdaan ng pamahalaang Aquino sa rebeldeng grupo.
Nakasalalay ngayon ang buhay ng BBL sa 16th Congress, ngunit sa tindi ng pag-ayaw ng mga Kristiyanong mambabatas sa mga probisyon nito ay hindi agad ito naipasa. May kanya-kanyang bersyon ng BBL ang Senado at Kongreso.
Naantala ng husto ang deliberasyon ng BBL sa Kongreso dahil sa naganap na pagpatay ng mga rebeldeng MILF sa 44 mga miyembro ng Special Action Force sa bayan ng Mamasapano sa Maguindanao, isa sa limang lalawigan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao, nitong Enero.
Nasa isang misyon ang SAF na kung saan ay napatay ng mga commandos ang Malaysian bomber na si Marwan na kinakanlong diumano ng MILF – nang sila ay kuyugin ng mga rebelde at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Dahil sa Mamasapano clash ay maraming grupo at pulitiko ang nanawagan na magbitiw si Pangulong Aquino at presidential peace adviser Teresita Deles dahil sa kanilang kabiguan na pigilan ang sagupaan at pagpatay sa SAF commandos.
Pangamba ngayon ni Murad na kung mababasura ang BBL ay posibleng bumalik sa rebelyon ang mga miyembro ng MILF.
Dapat sana ay naipasa ang batas noon June 11 bago nag-recess ang Kapulungan. Sinabi naman ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na pagtutuunan muli nila ng atensyon ang BBL sa September Ngunit wala rin nangyari at ito ay inuurong nitong October at tulad ng inaasahan ay bigo pa rin ang BBL.
Naunang sinabi ng mga anti-BBL lawmakers na ibabasura nila ang tinatawag an “opt-in” provision na nakapaloob sa BBL na maaaring magamit upang palawigin ang teritoryo ng Bangsamoro na tinututulan ng mga Kristiyanong pulitiko. Maraming mga amendments ang nais gawin ng mga mambabatas sa BBL upang masigurado umanong hindi lalabag sa Konstitusyon ang mga probisyon sa nasabing draft law.
Lumagda ng peace accord ang MILF at pamahalaan noon nakaraang taon, ngunit dahil sa naganap na labanan sa Mamasapno ay nabinbin ito at posibleng hindi na maipasa sa termino ni Aquino at lalo na ngayon na papalapit na ang halalan.
Sinabi naman ni Amirah Lidasan, ng grupong Suara Bangsamoro, sa Mindanao na hindi man lamang nabigyan ng hustisya ang mga Muslim dahil sa kakulangan ng mga probisyon sa BBL.
“We from the Suara Bangsamoro have been very critical at the content of the Bangsamoro Basic Law because it falls short of the aspirations of the Bangsamoro people’s struggle for genuine right to self-determination. The BBL is limiting and counter posing this right with the Philippine Constitution,” ani Lidasan sa Mindanao Examiner Regional Newspaper. “BBL disregarded the reasons why the Moro people remain poverty stricken, enduring a backward economy and its communities are in conflict. Instead of addressing these issues, the BBL copied the development paradigm and programs as well as security policies of the national government, which in the past have been the complaint of the Moro people and were deemed discriminatory.”
Nitong taon lamang ay libo-libong Muslim ang nag-rally sa Marawi City sa Lanao del Sur bilang suporta sa BBL. Karamihan sa mga dumalo sa rally ay may kanya-kanyang bitbit na streamers, ngunit tanging ang placard na may larawan ni dating Pangulong Joseph Estrada at ngayon ay Manila Mayor, na ilang ulit sinabihan ang pamahalaang Aquino na dapat tapusin na ang MILF at mga teroristang pinoprotektahan nito. All-out war ang panawagan ni Estrada.
Sa kabila nito, lumalakas pa rin ang panawagan ng ibat-ibang mga grupo na magbitiw si Deles sa maraming kadahilanan at isa rito ay ang kapalpakan nito sa pagpupumilit sa pagpasa ng BBL sa kabila ng kawalan o kakulangan ng public consultation. Nais naman ng Basilan, Sulu at Tawi-Tawi na kumalas na lamang sa Autonomous Region in Muslim Mindanao at mapabilang na lamang sa Region 9 o kaya ay hatiin da dalawa ang ARMM – Basilan, Sulu at Tawi-Tawi sa isang banda at Lanao del Sur at Maguindanao naman sa kabila. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://www.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Share The News
https://mindanaoexaminer.com/ad-rates