Kung binabatikos si Alma Moreno, sinisisi naman ng iba si Karen Davila dahil diumano, hindi siya naging mabait at hindi niya binigyan ng proteksyon ang kanyang bisita.
Masyado raw malalalim ang mga tanong ni Karen kay Alma kaya nalagay ito sa alanganin na sitwasyon.
Napanood namin ang pinag-uusapan na episode ng Headstart at wala kaming nakita na mali sa mga pagtatanong ni Karen dahil current issues ang tinalakay nila ni Alma.
Kung ano ang kadalasan na itinatanong ni Karen sa ibang mga bisita niya na nag-aambisyon na maging public servant, ganoon din ang mga inusisa niya kay Alma.
Kung isa kami sa mga adviser ni Alma, hindi muna namin siya papayagan na mag-guest sa mga programa na posibleng makasira sa pangarap niya na maging senador.
Hindi puwede sa senado ang mga sagot ni Alma kay Karen na “Isa ‘yan sa mga pinag-aaralan ko, teka muna, sandali, teka nawawala ako, ah pinahihirapan mo ako at kailangan pa ba sagutin?”
Kung hindi mapahindian ni Alma ang mga imbitasyon, puwedeng hingin ng kanyang kampo ang mga list of question bago siya isalang sa harap ng mga TV camera para mapaghandaan nila ang mga isasagot.
Kailanman, hindi katanggap-tanggap ang kanyang mga pahayag na pag-aaralan niya ang mga isyu at problema na kinakaharap ng bansa dahil hindi on-the-job training ang pagiging senador.(Jojo Gabinete)
Link: http://www.abante.com.ph/ent/showbiz-column/the-source/37915/the-source-karen-davila-hindi-raw-naging-mabait-kay-alma.html