
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Feb. 21, 2014) – Pitong hinihinalang mga drug pushers ang nasawi kaninang madaling araw matapos diumanong manlaban sa mga awtoridad sa Davao City.
Mahigit dalawang dosenang iba pa ang sinasabing nadakip ng pulisya sa isang drug den sa Barangay Ilang. Nabatid na matagal na palang under surveillance ang naturang lugar at kanina lamang ito pinasok ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency, Criminal Investigation and Detection Group at Davao City Police Office, at Philippine Maritime Police.
Nasamsam rin ang sari-saring mga armas at hinihinalang shabu sa naturang lugar.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang mabatid kung sino ang supplier ng droga sa naturang lugar. Ilang beses ng nagbabala si Mayor Rodrigo Duterte sa mga drug pushers na umalis na lamang ng Davao City kung ayaw nilang madakip o mapahamak dahil sa kanilang mga ilegal na gawain.
Magsisilbi sana ng search warrant ang mga awtoridad sa lugar ng sila’y ratratin diumano ng mga armadong pushers sa lugar kung kaya’t nagkaroon ng labanan. Hindi naman agad mabatid kung may sugatan sa panig ng mga awtoridad. (Mindanao Examiner)