
SULU (Mindanao Examiner / Feb. 10, 2014) – Hinimok ni Sulu Governor Totoh Tan ang mga ibat-ibamg stakeholders sa lalawigan na pagtibayin at palaganapin ang kooperatiba upang lalong paunlarin ang mga industriyang nakikinabang dito at makatulong sa kabuuang aspeto ng ekonomiya.
Si Tan ang nagsilbing keynote and guest speaker sa kadaraos lamang na 4th General Assembly ng Sulu Provincial Cooperative Union (SPCU). Sa temang “Sulu Provincial Cooperative Union, a driving force for Socio-economic Development,” ay Sinigurado ni Tan ang suporta ng kanyang administrasyon sa pagpapatibay ng kooperatiba sa lalawigan.
Punuri rin nito ang dating governor ng Sulu na si Sakur Tan, na ngayon ay ang vice governor ng lalawigan dahil sa malaking naiambag nito sa pagpapatibay ng kooperatiba dito sa kanyang kapanahunan.
“Cooperative development in Sulu took a turn for the better when former Governor Abdusakur M. Tan issued Executive Order No. 1 creating Task Force Cooperative so that the creation of cooperatives at the barangay and community level will be organized in an orderly and effective manner. The Executive Order was a milestone as far as cooperative development in Sulu is concerned. It is indeed a remarkable feat. Bilang bagong punong ehekutibo ng lalawigan ng Sulu, nagpapasalamat po ako na namana ko ang malakas at masiglang mga kooperatiba na kalat na ngayon sa buong lalawigan,” ani Tan sa kanyang talumpati.
“Ang maraming bilang ng mga kooperatiba sa ilalim ng SPCU ay isa pong malaking palatandaan ng matagumpay na pamamalakad, pangangasiwa at gabay na ipinagkakaloob ng unyon sa mga kasapi nito. Ang kahirapan po at mga hamon sa pang araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan ay isa pong national concern, at ang rehiyon ng ARMM ay kabilang sa nagtataglay ng pinakamataas na antas ng kahirapan. Kami po ay naniniwala na ang kooperatiba ay isa sa mga hakbangin na kahi’t sa munting paraan mapagkalooban ang ating mga taong-bayan na magkaroon ng inisiyatibo at kaalaman at sama-samang makapagpundar para maka-ahon at maibsan ang mga hamon ng mahirap na pamumuhay. The Provincial Government is consistent in calling for community involvement in efforts leading to the over-all progress and development of the province,” dagdag pa ni Tan.
Sinabi ni Tan na patuloy nitong bibigyan ng prayoridad ang promosyon ng kooperatiba tulad ng ginawa ng kanyang ama upang lalong mahimok ang maraming mamamayan sa ibat-ibang sektor na bumuo ng kooperatiba at pakinabangan ito ng mas nakakarami.
“Ang pamahalaang panlalawigan, sa ilalim pangangasiwa ng inyong abang lingkod ay patuloy na susuporta sa lahat ng mga hakbangin sa ikabubuti ng ating mga taong-bayan at lalawigan. Malaki ang aming pagtitiwala na ang Sulu Provincial Cooperative Union ay higit pang magtatagumpay sa mga adhikain na inilaan nilang gagampanan. I hope you will have a successful assembly and make the right choices in selecting the people who will lead the union towards a brighter horizon,” sabi pa nito.
Sa ngayon ay may 82 affiliates cooperatives ang SPCU.
Kabilang sa mga dumalo sa general assembly ay sina Abdulrashid D. Ladayo, Sr., ng regional administrator ng Cooperative Development Authority-ARMM; Celia L. Atienza, presidente ng League of Cooperative Officers of the Philippines; Rehamna M. Espinosa, pinuno ng Amanah Islamic Bank sa Jolo; Laneli F. Elum, manager ng Land Bank of the Philippines sa Jolo; at mga Board of Directors at opisyal ng SPCU at mga miyembro ng affiliate cooperatives at mga bisita mula sa ibat-ibang sektor sa Sulu. (Ahl-Franze Salinas)