
COTABATO CITY (Mindanao Examiner / Feb. 9, 2014) – Bubuksan umanong muli ng Moro Islamic Liberation Front ang pintuan ng kapayapaan sa grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Movement-Bangsamoro Islamic Freedom Fighters upang matigil ang kaguluhan at isulong ang pagbabago sa Mindanao.
Ayon kay chief MILF peace negotiator Mohagher Iqbal ay handa ang grupo nito na muling tanggapin si Ameril Umra Kato dahil mahalaga ang kapayapaan sa lahat ng mga Muslim sa bansa. Inamin rin nito na ilang ulit ng tinanggka ng MILF na himukin ang grupo ni Kato na bumalik sa kapayapaan, ngunit bigo ito.
Ang paghihimok ni Iqbal kay Kato ay muli nitong inilabas sa pagbubukas ng headquarters ng Bangsamoro Transition Commission sa Cotabato City kamakalawa. Naroon rin si peace adviser Teresita Deles, Interior Sec. Mar Roxas at Maguindanao Gov. Esmael Mangudadatu.
Tumiwalag si Kato sa MILF noong 2011 matapos na makipagkita ang lider nitong si Murad Ebrahim kay Pangulong Benigno Aquino sa Tokyo, Japan na kung saan ay pinagusapan ng dalawa ang pagpapatuloy ng peace talks.
Matatandaang inatake ng grupo ni Kato ang ilang lugar sa Lanao at napatay ang maraming sibilyan matapos na pumalya ang Muslim homeland deal sa pagitan ng MILF at pamahalaan ng ideklara ng Supreme Court na ilegal ito. (Mindanao Examiner)