
ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Jan. 18, 2014) – Isang political headquarters ng Moro Islamic Liberation Front na itinatayo sa Zamboanga City ang ipinatigil ng mga awtoridad matapos na magsumbong ang mga residente doon sa mga kinauukulan.
Maging ang International Monitoring Team sa pangunguna ni Colonel Zulkipli Hashim at ang Ad Hoc Joint Action Group na pinamumunuan ni Major Abdurasad Sirajan ang nanghimasok na rin upang mabawasan ang tensyon sa Barangay Cawit na kung saan itinatayo ang nasabing political headquarters.
Pumayag naman si MILF group leader Jusali Musali na huwag ituloy ang pagtatayo ng tanggapan matapos na magkaroon ng dialogue doon na dinaluhan pa ni Mayor Maria Isabelle Salazar. Naliwanagan naman si Musali sa kinalabasan ng paguusap at humingi pa ito ng paumanhi sa kanilang naging aksyon.
Inamin ni Musali na nagkamali sila sa pagtatayo ng political office sa Zamboanga dahil bukod sa hindi kabilang ang lungsod sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o sa Bangsamoro Framework Agreement ay wala pa rin kasunduan ang MILF at pamahalaan dahil patuloy pa rin ang peace talks.
Nuanang umalma si Salazar ng magreklamo ang mga residente at si Barangay chairman Rey Modillas dahil sa pagtatayo ng political office doon at wala umano itong permiso sa kanila o sa mga kinauukulan.
Nabatid pa na wala rin basbas ng MILF Central Committee ang hakbang ni Musali. (Mindanao Examiner)