
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Jan. 18, 2014) – Malaking perwisyo sa negosyo at mga biyahero ang dulot ng nawasak na tulay sa Lanao del Norte dahil ito ang nagdudugtong sa mga lalawigan sa Zamboanga Peninsula.
Hanggang nagyon ay hindi pa rin nagagawan ng paraan ng Department of Public Works ang Highways ang nasabing tulay sa Barangay Napo sa bayan ng Linamon na nawasak sa kasagsagan ng malakas na ulan at pagbaha dulot ng low pressure area.
Maging ang mga bus ng Rural Transit Mindanao at iba pang maliliit na biyahero ay hindi maitawid ang kanilang mga gulay at cargoes.
Napipilitan umano na maglakad ng mahaba at sumakay ng banca ang mga pasahero at biyahero upang makatawid sa kabilang barangay at doon naman kumuha ng bus patungong Zamboanga del Sur, Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay at Zamboanga City.
Tumaas na rin ang presyo ng mga gulay at prutas sa Zamboanga dahil karamihan ng mga ito at galing pa ng Cagayan de Oro at Bukidnon sa northern Mindanao.
Wala na rin biyahe ang mga eroplano mula Cagayan patungong Zamboanga City at vice versa kung kaya’t malaking perwisyo ang dulot nito sa mga negosyante. Hindi naman makapagbigay ng katiyakan ang DPWH kung kalian magagawa ang sementong tulay. (Mindanao Examiner)