
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Jan.14, 2014) – Hindi pa rin matagpuan hanggang ngayon ang nawawalang anak ng isang parak matapos na tangayin ang jeep na kanilang sinasakyan sa gitna ng rumaragasang tubig ng ilog sa gitna ng spillway sa Zamboanga del Sur.
Minamaneho ni PO1 Nemesio Batingal ang jeep sakay ang 12 pasahero ng anurin ng tubig ang kanilang sasakyan at bumalugtad ito sa ilog sa Barangay San Jose sa bayan ng Mahayag. Bagama’t lahat ay nakaligtas at nagtamo ng mga pasa at sugat sa katawan ay hindi naman matagpuan si Cyrus Jade Batingal, 11.
Nakilala naman ang ibang mga pasahero na sina Jerson Bacus, 19; Jervy Bacus, 18; Julito Paraiso, 52; Alberto Tejero, 38; Elizer Gaed, 31; Tarot Untag, 37; Roger Managing, 44; Alvin Parba; Derio Alvarico, 53; Edward Marababon, 36; Roel Quizon, 25; at isa pang hindi agad nabatid ang pangalan. Nakisakay lamang ang 10 sa kanila upang makatawid sa umaapaw na ilog, ayon sa pulisya.
Ngayon ay nagtulong-tulong ang mga kasamahan ni Batingal at mga residente doon upang hanapin ang nawawalang bata. Nagpadala na rin ng sundalo ang 1st Infantry Division upang tumulong sa paghahanap, ayon naman kay Capt. Jefferson Somera, ang spikesman ng army.
Mahigit sa isang dosena na ang inulat na nasawi sa flash flood at landslide sa Mindanao sanhi ng malawakang pagbuhos ng ulan dahil sa low pressure area na bumabalot sa Mindanao sa mga nakalipas na araw.
Sa bayan ng Jolo sa lalawigan ng Sulu ay maraming mga kabahayan sa dalampasigan ang hinampas ng malalaking alon. Wala naman inulat na nasawi doon. Hindi naman agad ma-contact si Mayor Hussin Amin ukol dito. (Mindanao Examiner)