
Makikita sa larawang ito ang lawak ng low pressure area sa Mindanao at Visayas na siyang dahilan ng pag-ulan.
DAVAO CITY (Mindanao Examiner / Jan. 12, 2014) – Binaha ngayon ang malaking bahagi ng Compostekla Valley province dahil sa walang humpay na pagbuhos ng ulan dulot ng low pressure area sa malaking bahagi ng Mindanao.
Hindi agad mabatid kung may mga casualties sa Compostela, subalit umapaw na ang mga ilog doon at ilang barangay ang sinasabing lampas-tao na ang laki ng baha doon.
Sa bulletin ng pulisya at militar ay sinasabing marami na ang nagsilikas ng sa ibat-ibang bayan sa Compostela Valley mula pa kagabi dahil sa patuloy na pagtaas ng tubig sa ilog.
May mga ulat na rin ng landslide sa Lanao at Davao provinces, subali’t walang balita ng casualties. Bumigay umano ang lupa sa paanan ng bundok dahil nababad ito sa walang tigil na pagbuhos ng ulan.
Sa Zamboanga City ay lubog na naman sa maputik at maruming tubig na naimbak sa Don Joaquin Enriquez Memorial Sports Complex na kung saan ay naroon ang mga tents ng daan-daang mga refugees na apektado ng tatlong linggong labanan sa pagitan ng Moro National Liberation Front at militar noon Setyembre.
Nagbabala naman ang Coast Guard sa mga nasa dalampasigan na lumikas munang pansamantrala upang makaiwas sa posibleng paglaki ng alon sa karagatan. (Mindanao Examiner)