
ZAMBOANGA SIBUGAY (Mindanao Examiner / Jan. 10, 2014) – Isang lalaki ang binoga ng live-in partner ng kanyang kapit-bahay matapos nitong pagtangkaang gahasain ang bebot sa bayan ng Buug sa Zamboanga Sibugay province sa western Mindanao.
Patay agad dahil sa tama ng shotgun si James Fajardo, 26, matapos na birahin ni Gary Arpal, 28, ng marinig nito ang sigaw ng paghingi ng saklolo ng kanyang live-in partner sa kanilang bahay sa Barangay Muyo. Pinasok pala ni Fajardo ang bahay ng mag-atab ng makitang wala doon si Arpal.
Sinunggaban pa umano no Fajardo ang babae at tinangkang takpan ang bibig nito upang hindi na makasigaw, ngunit narinig naman ito ni Arpal na noon ay pauwi naman sa kanilang bahay.
At ng matunugan ni Fajardo na dumating si Arpal ay agad itong lumabas ng bahay upang makatakas, ngunit sinalubong naman siya ng putok ng shotgun sa katawan na siyang ikinamatay agad nito. Mabilis naman tumakas si Arpal matapos ng krimen at ngayon ay pinaghahanap ng pulisya.
Hindi naman agad mabatid kung maghahain ba ng demanda ang pamilya ni Fajardo sa pagkamatay nito. (Mindanao Examiner)