
PAGADIAN CITY (Mindanao Examiner / Jan. 7, 2014) – Isang negosyante ang naghagis ng bulto ng salapi matakasan lamang ang grupo ng mga armado na humarang sa kanilang delivery van sa bayan ng Dinas sa Zamboanga del Sur.
Upang hindi mahabol ng mga armado ay naghagis ng salapi sa halagang P4,000 ang may-ari ng Ogis Fresh Chicken na si Araceli Templado, 32, na kasama sa naturang van.
Mabuti na lamang umano at hindi huminto ang driver ng van na si Joar Templado ng makita ang mga armadong nakaposisyon sa highway sa Purok Makopa ng Barangay Nangka.
Galing sa bayan ng Pitogo ang grupo ni Templado at pabalik na sana sa Pagadian City ng maganap ang insidente. Hindi naman mabatid kung pawang holdaper o kidnappers ang mga armadong lalaki.
Agad rin nagsuplong sa pulisya si Templado, ngunit hindi na umano naabutan ng mga alagad ng batas ang armadong grupo. (Mindanao Examiner)