
MANILA (Mindanao Examiner / Dec. 11, 2013) – Dismayadong kinondena ngayon ng media group Alab ng Mamamahayag (ALAM) ang panibaging kaso na naman ng pamamaslang sa isang radio blocktimer.
Napatay kaninang umaga si Rogelio Butalid, brodkaster sa isang radio station at barangay kagawad sa Mankilam, Tagum City. Pauwi mula sa kanyang trabaho si Butalid nang tambangan ng mga suspek. Ito ang ikatlong mamamahayag na pinaslang sa loob lamang dalawang lingo.
“Wala pang dalawang araw ang nakararaan,heto na naman ang isa pang journalist na pinatay nang walang kalaban-laban,” dismayadong pahayag ni Jerry Yap, ang presidente ng ALAM.
“Ipinagtatanggol namin ang katotohanan, pero sino naman ang magtatanggol sa amin? Death toll lang ba pinag-uusapan natin ngayon? Kailan magkakaroon ng realisasyon ang gobyerno na may nagaganap na pamamaslang sa mga mamamahayag?
Kailan magiging seryoso ang gobyerno para harapin at resolbahin ang walang habas na pamamaslang na ito?” matiim na tanong ni Yap.
“This is murderously serious. Mukhang puro lip service lamang ang kaya ng gobyerno at hindi sila totoong seryoso sa pagresolba sa mga nagaganap na media killings. Dahil kung talagang seryoso sila, bakit hindi nila patunayan?” hamon pa ni Yap. “I- relieve nila sa posisyon ang mga chief of police sa mga lugar na may mga unresolved media killing cases.”
Sinabi rin ni Yap na kung ganyang inaamin na ng Philippine National Police na kulang sila sa kakayahang humawak ng mga ganitong kaso, buwagin na lamang ang Task Force Usig at sa halip ay ibigay sa mga ahensyang may kakayahan sa malawakang imbestigasyon.
“Subukan natin ang NBI (National Bureau of Investigation). Baka mas magagaling sila,” dagdag pa ni Yap na dating presidente ng National Press Club.
“Kumuha na rin tayo ng isang czar tulad ni Sec. (Panfilo) Ping Lacson na tututok sa imbestigasyon. Baka sakali, baka sakali lang naman, may maresolbang kaso kahit isa lang.”
Ilang araw lamang bago piñatay si Butalid, pinaslang din si Davao del Norte Press and Radio-TV Club member Joas Dignos, na host ng blocktime radio program “Bombardeo” sa dxGT Radyo Abante sa Maramag, Bukidnon.
Kasunod nito ay si Michael Milo, national supervisor ng Prime Radio FM at managing editor ng Prime Balita Newspaper sa Tandag City, Surigao del Sur.
Si Milo ay pinagbabaril hanggang mapatay kamakailan ng mga di-kilalang salarin sa Purok Palmera, Barangay Mabua sa Tandag City. (Nanet Villafania)