ZAMBOANGA CITY – Pinakawalan ng Abu Sayyaf ang dalawang bihag nito matapos ng halos 2 taon pagkakabihag sa kabundukan ng Sulu province sa magulong Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Nabatid na pinalaya ng grupo ni Abu Sayyaf sub-leader Hairula Asbang ang mag-inang sina Dina Iraham at anak na si Yahong sa Barangay Danag sa bayan ng Patikul kamakalawa lamang.
Nagbayad ng P300,000 ang mga biktima kapalit ng kanilang paglaya. Nabatid na noon Mayo ng nakaraang taon sila dinukot sa Basilan, isa rin sa mga lalawigan ng ARMM, at dinala sa Sulu na kung saan sila itinago.
Sumakay ang mag-ina sa isang ferry sa bayan ng Jolo at nagtungo sa Zamboanga ng walang kaalam-alam ang Western Mindanao Command. Ngunit kinumpirma naman ito ng pulisya sa Sulu, subali’t hindi naman masabi ng mga opisyal kung bakit hindi nila agad natunugan ang paglaya ng mga biktima.
Kamakailan lamang ay pinakawalan rin ng Abu Sayyaf ang 10 Indonesian crew members ng tugboat Brahma 12 na dinukot ng mga rebelde sa karagatan ng Tawi-Tawi na kabilang sa mga lalawigan ng ARMM. (Ely Dumaboc)
Share Our News
Like Us on Facebook: https://web.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Digital Archives: https://issuu.com/mindanaoexaminernewspaper