
World Boxing champion and Sarangani Rep. Manny Pacquiao at asawang si Sarangani Vice Gov. Jinkee Pacquiao. (Mindanao Examiner Photo / Mark Navales)
GENERAL SANTOS CITY (Mindanao Examiner / Nov. 28, 2013) – Sa halip na magdaos ng mga press conference upang itangging may malaking pagkakautang siya sa buwis ay hinimok ng Bureau of Internal Revenue si boxing champ at Sarangani Rep. Manny Pacquiao na ibigay sa ahensya ang ebidensya ng pagbabayad nito ng mga taxes sa US Internal Revenue Service mula sa limpak-limpak na salaping panalo nito sa ibat-ibang mga laban.
Maging ang Malakanyang ay pumanig sa BIR at sinabing dapat sagutin ni Pacquaio ang ahensya at ibigay ang mga lehitimong dokumento mula sa IRS. Iginiit ni Pacquaio na mismong ang Top Rank Promotion ni Bob Arum, na kanyang boxing promoter sa US, ang nagbayad sa IRS, at sumulat pa ito sa BIR upang patunayan ang lahat.
Ngunit sinabi naman ni BIR chief Kim Henares na walang saysay ang anumang sasabihin ng Top Rank Promotion dahil ang kailangan dokumento ay mula sa IRS at hindi sa isang boxing promotion company.
Freeze
Naunang ipinag-utos ni Henares ang “garnishment” sa mga bankong pinagiimpukan ni Pacquiao upang masigurong may sapat itong salapi na pambayad sa mahigit P2 bilyon buwis na pilit na kinukulekta ng BIR.
Ilang bank accounts rin nito ang naka-freeze, ngunit inalmahan naman ito ni Pacquiao at sinabing tumpak ang kanyang pagbabayad ng buwis sa IRS at hindi na maaaring magbayad muli sa BIR dahil “double taxation” ang kababagsakan nito.
“Actions taken by the BIR have adhered to what the law requires. He has been given ample opportunity to comply, and he will continue to be treated fairly. As a public official, it will be well for him to demonstrate that he, too, is a law-abiding citizen,” ani Sec. Herminio Coloma Jr.
Sinisingil ng BIR ang buwis sa panalo ni Pacquiao mula 2008 hanggang 2009 at ayon kay Henares ay matagal na umano nila itong hinihiling kay Pacquiao subali’t hindi naman ito pinapansin ng ‘pambansang kamao”.
Harassment
Pinatutsadahan pa ni Pacquiao ang BIR at pamahalaang Aquino na baka may kinalaman sa pulitika ang naging hakbang ng ahensya laban sa kanya. Paulit-ulit rin nitong sinabi na “dugo , pawis at buhay” ang kanyang naging puhunan sa boxing at hindi ninakaw ang mga salaping kanyang tinatamasa ngayon.
Sinabi pa ni Pacquiao na maraming mga tao ang kaduda-duda ang yaman sa buhay, ngunit hindi naman ito nasisilip ng BIR. Pati ang isyu ng pork barrel at ang kontrobersyal na Disbursement Acceleration Program ni Pangulong Benigno Aquino ay pinasaligan rin ni Pacquiao na naghihinalang political harassment ang naging hakbang ng BIR dahil ka-alyado ito ng oposisyon.
Itinanggi naman ni Coloma ang pasaring ni Pacquiao. “We are a government of laws not of men. The Internal Revenue Code provides for procedures on collection so this matter is best addressed by the Court of Tax Appeals,” ani Coloma. “Harassment is not in our agenda… CTA’s action is in accordance with Internal Revenue Code. Citizens may avail themselves of appropriate legal remedies.”
Ngunit itinanggi rin ng CTA na may kinalaman ito sa aksyon ng BIR. “The CTA has not issued any order freezing the bank accounts of Pacquiao. It is the BIR which issued a warrant of garnishment to the banks, which in effect froze his accounts,” wika naman ni Atty. Margarette Guzman, CTA First Division Clerk of Court, sa panayam nito sa telebisyon.
Mommy Dionisia, Jinkee isinabit
Ang masakit pa nito ay damay rin ang ina ni Pacquiao na si Mommy Dionisia na sinisingil rin ng P10 milyon buwis dahil sa kanyang mga commercial advertisements at maging ang mga bahay nito ay nasipat na rin ng BIR. Wala rin kawala ang asawa ni boxing icon na si Sarangani Vice Governor Jinkee Pacquaio at maging mga bank accounts nito ay nasa ilalim na rin ng garnishment order.
Nilambat na rin ng BIR ang mansion ni Pacquiao sa Forbes Park sa Makati City na nagkakahalagang P388 milyon dahil may legal claim umano ang pamahalaan sa ari-arian na siyang idadagdag sa kakulangan ng buwis ni Pacquaio bilang kabayaran.
Malabo na rin mahawakan ni Pacquiao ang panalo nito mula kay Brandon Rios at inaabangan na ng BIR ang salapi kung sakaling pumasok na ito sa bansa o mailipat sa pangalan ng mambabatas. Halos dalawang dosenang bangko ang taguan ng kaban ng yaman ng mag-asawang Pacquiao sa bansa. (Mindanao Examiner)