DAVAO CITY – Mistulang hinamon ng 2 tulak ng ilegal na droga si President-elect Rodrigo Duterte matapos silang magbenta ng shabu sa harapan mismo ng City Hall, ngunit ang masaklap dito ay pawang mga parak ang kanilang naging customer.
Natimbog ang dalawa na nakilalang sin Dexter Duamalat, 18; at Oliver Alonzo, 32, na pawang mga taga-Davao City. Nabatid sa ulat ng pulisya kahapon na nagsagawa ito ng buy-bust operation ng matunugan may nagtutulak ng shabu sa nasabing lugar sa San Pedro.
Hindi na nakuhang tumakas ng mga suspek matapos na sila’y sunggaban ng kanilang nabentahan na agad nagpakilalang parak. Binasahan ang dalawa ng kanilang karapatan bago dinala sa presinto.
Nasamsam sa mga ito ang marked money na ginamit sa pagbibili ng shabu sa mga suspek, gayun rin ang 5 pakete ng droga. Hindi naman nagbigay ng anumang pahayag ang mga nadakip.
Naunang nagbanta si Duterte na lilipulin ang mga drug lords at pushers sa Davao kung hindi nila ititigil ang kanilang gawain o kaya ay lumayas na lamang sa Davao. Nag-alok rin ito ng pabuya sa sinumang makakapatay sa mga drug lords at pushers kung sila’y manlaban habang inaaresto ng sinuman – sibilyan man o awtoridad. (Mindanao Examiner)
Like Us on Facebook: https://web.facebook.com/mindanaoexaminer
Follow Us on Twitter: https://twitter.com/MindanaoExamine
Read Our News on: http://www.mindanaoexaminer.com / http://mindanaoexaminernewspaper.blogspot.com/
Digital Archives: issuu.com/mindanaoexaminernewspaper
Share Our News